Plastik, huwag hayaang lumunod sa kinabukasan

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 27, 2026

Sa bawat supot, sachet at bote na itinatapon natin, may problemang hindi basta nawawala. Kapag napunta sa kanal, ilog at dagat ang mga plastik, hindi lang kalikasan ang naaapektuhan kundi pati kalusugan, kabuhayan at araw-araw na buhay ng ordinaryong Pilipino.
Target ng bansa na mabawasan ng 85 porsiyento ang plastic pollution pagsapit ng 2040 sa ilalim ng Philippine National Plastic Action Roadmap 2026-2040. Layunin nitong pigilan ang pagdami ng plastik mula pa lamang sa paggawa at paggamit nito, habang pinapalakas ang koleksyon, recovery, recycling at tamang pamamahala sa natitirang basura.
Maganda ang target, pero hindi sapat ang isang roadmap kung mananatili lamang ito sa papel. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung mararamdaman ito ng mga komunidad—mas malinis na estero, ilog at dalampasigan, mas maayos na koleksyon ng basura at mas kaunting plastik na bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Mahalaga ring tingnan ang problema mula sa pinagmumulan. Kasama sa plano ang pagbabago sa disenyo ng mga produkto, produksyon, pagkonsumo at paggamit ng alternatibong materyales. Partikular na binibigyang-pansin ang mga sachet na malaki ang ambag sa plastic waste. Kung may produktong mahirap kolektahin at i-recycle, kailangang magkaroon ng mas responsableng disenyo at alternatibong abot-kaya ng mga mamimili.
Hindi rin dapat maiwan ang mga informal waste workers na malaking bahagi ng materials na nakararating sa recycling facilities. Sila ang nasa unang linya ng pagbawi ng recyclable materials, kaya kailangan silang protektahan at maisama sa sistemang pangkalikasan. Dapat ding mabigyan ng patas na pagkakataon ang maliliit na negosyo at mga lokal na pamahalaan.
Kasabay nito, kailangang maging malinaw ang pananagutan sa pagpapatupad. May 10 pangunahing outcomes ang roadmap na sumasaklaw sa pagbabago ng sistema at mga suportang kailangan tulad ng pondo, teknolohiya, datos, pamamahala at pagbabago ng gawi.
Hindi lang ito trabaho ng gobyerno. May pananagutan ang mga gumagawa ng produkto, negosyo, lokal na pamahalaan, komunidad at mismong mamimili. Kung gusto nating makita ang mas malinis na ilog at dagat pagsapit ng 2040, kailangang magsimula ang pagbabago ngayon.
Ang plastik ay bahagi na ng ating buhay, pero hindi kailangang maging bahagi ng ating problema habambuhay. Ang tunay na tagumpay ng planong ito ay hindi nasusukat sa dami ng pangakong nabuo, kundi sa dami ng basurang hindi na nakararating sa ating kapaligiran at sa kalidad ng buhay na napapabuti nito.





Comments