top of page
BULGARY - BARON, IBINUKING NG MISIS NA NASA SAFE PLACE_IG _baron.gesler.jpeg

Palaganapin ang tunay na Anti-Dynasty Law

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 27, 2026



Fr. Robert Reyes


Biglang nababanggit ang Batanes sa mga nagdaang araw. Pinalalabas na naman ng Tsina na sakop nila ang munting bayang ito. Dahil inilalaban din ng Tsina ang pagmamay-ari sa Taiwan, damay na rin ang Batanes dahil sa lapit nito. Talaga lang, wala nang pinalalampas ang dambuhalang mananakop. Bakit ganoon na lang kalakas ang loob ng Tsina na angkinin ang iba’t ibang bahagi ng ating bansa?

                

Magsasampung taon pa lamang nang maging pangulo ang pinakamaka-Tsino na Pinoy sa lahat. Bago manalo sa pagkapangulo si Rodrigo Roa Duterte, nakuha pa nitong magmalaki na sasakay ito ng jet ski tungo sa Spratly Islands o Scarborough Shoals sa West Philippine Sea upang magtanim ng bandila ng Pilipinas. Talaga bang ipagtatanggol ng dating Pangulo ang Pilipinas sa panghihimasok ng Tsina? Kitang-kita ang pananaw ng dating pangulo sa pananakop ng Tsina sa pamamagitan ng paggiit nito sa “9-Dash Line” na diumano’y magpapatunay na pag-aari ng Tsina ang malaking bahagi ng West Philippine Sea na tinatawag na nitong bahagi ng South China Sea. 

                  

Muling umugong ang Batanes nang nagbitiw ng hindi maganda at walang paggalang na komentaryo sa pagkamatay noong ika-21 ng Setyembre 2026 ni Congressman Ciriaco “Jun” Bayaras Gato Jr. “Bye-bye, Crocodile,” ang pagbati ni Francisco “Kiko” Barzaga. Inakusahan ni Barzaga ang kongresista ng pagiging buwaya at korup. Isa si Gato sa 265 miyembro ng Kamara na bumotong tanggalin si Barzaga dahil sa pananalita at pagkilos nitong hindi nararapat sa kanyang pagiging miyembro ng Kongreso ng Pilipinas. Binatikos ni Rep. Joel Chua si Barzaga at tinawag itong “bastos na Nepo Baby” sa walang galang na komentaryo nito sa pagkamatay ni Rep. Gato.

                  

Nagkataong papunta sa Batanes ang ilan sa mga miyembro ng “Kilusang Dapat Isa Lang,” Umalis noong  umaga ng ika-26 ng Setyembre ang tatlong miyembro upang makipag-ugnayan sa ilang kaparian at samahan ng Batanes na maaaring makatulong sa pagsulong ng People’s Initiative para sa “tunay at maka-Filipinong” bersyon ng “Anti-Dynasty Bill.” At tamang-tama naman na inilabas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, CBCP, ang Liham Patora nitong “A time to open the doors of public service (A pastoral statement in support of the Dapat Isa Lang People’s Initiative for a genuine Anti-Political Dynasty Law). Nakarating na rin ang ilang mga kasapi ng Dapat Isa Lang sa iba’t ibang diyosesis sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas upang magpaliwanag at kumalap ng suporta sa pagsulong ng People’s Initiative para sa isang tunay na Anti-Dynasty Law. 

                  

Mahirap ang Prelatura (Prelature) ng Batanes. Pito (7) lang ang parokya nito; isa lang ang Kolehiyo (St. Dominic College of Batanes, Inc., Basco; 2 high schools; 1 Kindergarten; isang bahay-ampunan at isang dormitory. Mahalagang usapin ba ang political dynasty, ang dinastiya, sa isyu ng kahirapan ng Batanes? Sa maraming lalawigan, siyudad at bayan, hanggang sa barangay, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga dinastiya sa pagpapatibay ng kapit nila sa pulitika, maging sa iba’t ibang “business” o mga malalaking sektor o institusyong nagkakaloob ng mga serbisyong kinakailangan ng lahat. 

                  

Kung hindi pa malalim at laganap ang hawak ng dinastiya sa iba’t ibang antas mula sa lalawigan pababa sa siyudad hanggang sa mga bayan at barangay, hindi pa maghihirap ang mga karaniwang mamamayan. Ngunit ilan sa mga lalawigan, siyudad, bayan at barangay ang hawak ng mga dinastiya? Ilang mga miyembro ng House of Representatives; ang mga miyembro ng Senado; ang mga Gobernador; Mayor at barangay Captain ang mula sa mga dinastiya? Mahigit nang 80% ng mga posisyon sa lokal at nasyonal na antas ng pamamahala ay mga miyembro ng mga dinastiya. Ano ang ibig sabihin nito? Sa maingat na pagsusuri, makikita kung paano madaling pasukin at angkinin ng mga dinastiya hindi lang ang poder ng pulitika kundi pati na rin ang business sector at ang iba’t ibang serbisyong pampubliko tulad ng tubig; kuryente; krudo at gasolina; bigas; gulay; iba’t ibang pagkain, at iba pa. 

                  

Mula sa Batanes hanggang sa ibang malalaki at maliliit na lalawigan, siyudad, bayan at barangay, kailangang maipaliwanag at palaganapin ang tunay na Anti-Dynasty Law. Salamat sa Korte Suprema sa iyong pagtuligsa sa mga miyembro ng House of Representatives na sa nakaraang tatlongpu’t siyam (39) na taon, hindi nakapagpasa ng tunay na Anti-Dynasty Bill, salamat din mga Obispo ng CBCP sa inyong pagsuporta sa Dapat Isa Lang. Unti-unting tumataas ang kaalaman at kamalayan hinggil sa dinastiya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page