Karapatan at alituntunin sa “GMRC and Values Education Act”

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 27, 2026

Ang Republic Act (R.A.) No. 11476, o ang tinatawag na GMRC and Values Education Act, ay isang batas na nagpapatibay sa Good Manners and Right Conduct at Values Education sa Kurikulum ng K to 12. Ito ay alinsunod sa pagkilala ng Estado sa mahalagang papel ng kabataan sa pagbuo ng bansa.
Sa paraang ito ay itataguyod at bibigyan ng proteksyon ang kanilang pisikal, moral, espirituwal, intelektwal, at panlipunang kagalingan.
Kinikilala rin ng Estado ang pangunahing papel ng lahat ng institusyong pang-edukasyon sa pagtatanim ng pagkamakabayan at nasyonalismo, pagpapaunlad ng pagmamahal sa sangkatauhan, paggalang sa mga karapatang pantao, pagpapahalaga sa papel ng mga makabagong bayani at pambansang bayani sa makasaysayang pag-unlad ng bansa, pagtuturo ng mga karapatan at tungkulin ng pagkamamamayan, pagpapalakas ng mga etikal at espirituwal na pagpapahalaga, pagpapaunlad ng moral na karakter at personal na disiplina, paghihikayat ng kritikal at malikhaing pag-iisip, pagpapalawak ng kaalamang siyentipiko at teknolohikal, at pagtataguyod ng kahusayan sa bokasyonal na gawain.
Tungo sa mga layuning ito, itatanim ng Estado sa mga kabataan ang pagkamakabayan at nasyonalismo, at hihikayatin ang kanilang pakikilahok sa mga pampubliko at sibikong gawain. Bibigyan din ng Estado ng prayoridad ang edukasyon, agham at teknolohiya, sining, kultura, at palakasan upang pagyamanin ang pagkamakabayan at nasyonalismo, mapabilis ang pag-unlad ng lipunan, at itaguyod ang ganap na kalayaan at pag-unlad ng tao.
Ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) ay tumutukoy sa mga tiyak at partikular na pangunahing pagpapahalagang panlipunan at kagandahang-asal o kaya ay mga angkop na paraan ng pag-uugali na nagpapamalas ng paggalang sa mga taong nakakasalamuha ng isang indibidwal.
Sang-ayon sa GMRC and Values Education Act, ang values education ay tumutukoy sa mga sumusunod:
(1) Ang prosesong nagbibigay sa mga kabataan ng pag-unawa sa mga pag-uugaling naglalayong magturo sa mga mag-aaral na maunawaan ang mga pinagbabatayang prinsipyo, kasama ang kakayahang kumilos ayon sa mga prinsipyong iyon, at ang matatag na disposisyon na gawin ang mga ito;
(2) Iba't ibang pamamaraan o programa na gagamitin ng mga guro para makalikha ng mga learning experiences para sa mga mag-aaral pagdating sa mga value processes, value positions, at value judgment;
(3) Pag-aaral tungkol sa sarili at karunungan sa buhay ayon sa paraang self-exploratory, systematic at scientific.
Ituturo ang GMRC mula Baitang una hanggang anim bilang isang hiwalay na asignatura na may parehong oras na inilaan tulad ng iba pang mga pangunahing asignatura, at isasama sa pang-araw-araw na mga aktibidad sa pagkatuto sa antas ng kindergarten.
Ipakikilala ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang GMRC sa pamamagitan ng malinaw, natatangi, tiyak, at konkretong mga aktibidad sa pagbuo ng karakter, tulad ng role playing sa silid-aralan, mga aktibidad sa community immersion, mga aktibidad sa collaborative learning ng guro at magulang, mga aktibidad sa pagbuo ng mga katangian na sinimulan ng paaralan, at iba pang anyo ng experiential learning.
Ang Values Education ay ituturo mula Baitang pito hanggang sampu bilang isang hiwalay na asignatura na may katumbas na oras o time allotment gaya ng sa ibang mga pangunahing asignatura (core subjects). Ang asignatura ay ituturo rin gamit ang malinaw, tiyak, at kongkretong mga gawain sa paghubog ng pagkatao, alinsunod sa itinakda sa naunang talata.
Sa mga antas na ito, ang GMRC ay mananatiling nakapaloob sa pagtuturo ng Values Education. Ganoon din na ang Values Education ay isasama sa pagtuturo ng mga asignatura sa Baitang 11 at 12 sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum.
Para sa epektibong institusyonalisasyon at pagtuturo ng GMRC at Values Education bilang pangunahing asignatura, ipatutupad ang isang pamamaraang sumasaklaw sa buong paaralan (whole-school approach). Mapadadali nito ang sama-samang pagkilos ng komunidad ng paaralan at iba pang mga stakeholder upang isulong ang pakikilahok ng mga magulang at linangin ang ugnayan ng tahanan at paaralan para sa isang inklusibong balangkas ng edukasyon sa pagpapahalaga.





Comments