Robredo, nagsabi nang ‘di tatakbong pangulo, ‘wag nang isama sa survey, plis lang!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 27, 2026

SA DAMI NG KUMUKUWESTIYON, MALAMANG IBASURA NG SC ANG GINAWANG PAGPAPABABA NG IMPEACHMENT COURT SA VOTING THRESHOLD SA CONVICTION NI VP SARA — Parami nang parami ang mga nagsasampa ng petisyon sa Supreme Court (SC) na kumukuwestiyon sa pagpapababa sa impeachment voting threshold sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Dahil sa dami ng mga kumukuwestiyon ay malamang 'yung ginawang pagpapababa ng impeachment court sa impeachment voting threshold sa conviction ni VP Sara ay ibasura ng SC at igiit na 16 votes ng mga senator-judges ang dapat ipairal dahil ito ang naaayon sa Konstitusyon, boom!
XXX
MAHIHIRAPAN ANG MAYORYA NA MA-CONVICT SI VP SARA KAHIT BINABAAN NILA ANG VOTING THRESHOLD DAHIL HINDI SILA MAKAKAKUHA NG 14 VOTES PARA SA CONVICTION — Kahit ibinaba ng impeachment court ang voting threshold, mahihirapan pa rin ang mayorya na ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Kung pagbabasehan kasi ang 20 senator-judges (nakakulong kasi sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, nagtatago si Sen. Ronald Dela Rosa at may sakit naman si Sen. Loren Legarda) sa kinakailangang 2/3 na voting threshold ay 14 na boto ang kailangan sa conviction ni VP Sara, at sa tingin natin, mahihirapan ang mayorya na makakuha ng 14 votes, na ibig sabihin sa huli, pagsapit ng botohan, mas malamang manaig ang 7 (Senators Imee Marcos, Bong Go, Robin Padilla, magkapatid na Pia at Alan Cayetano at magkapatid na Mark at Camille Villar) boto ng minorya para i-acquit sa kasong impeachment ang Bise Presidente, period!
XXX
DAPAT HUWAG NANG ISAMA ANG NAME NI MAYOR LENI SA PRESIDENTIAL SURVEY KASI DEKLARADO NAMAN SIYANG HINDI TATAKBO SA PAGKA-PANGULO — Sa kabila ng makailang ulit nang sinabi ni Naga City Mayor, former Vice President Leni Robredo na hindi siya kakandidato sa pagka-presidente sa 2028 election ay laging isinasama pa rin ng mga survey firms ang kanyang pangalan bilang pantapat kay Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential election.
Dapat huwag nang isama ng mga survey firms ang pangalan ni Mayor Leni sa presidential survey kasi hindi nga siya kakandidato for president.
Ang paulit-ulit na pagsama ng mga survey firms ng pangalan ni Mayor Leni sa presidential survey ay malinaw na panloloko sa publiko kasi nagsabi na nga siya na hindi kakandidato sa pagka-presidente, tapos lagi pang isinasama ang kanyang pangalan sa mga survey sa 2028 presidential election, tsk!
XXX
DAPAT ISAMA SA KASONG PLUNDER ANG KASAMBAHAY NI CONG. ROMUALDEZ — Sa pagdinig ng Sandiganbayan sa kasong plunder laban kay Leyte 1st Dist. Rep., former Speaker Martin Romualdez ay lumabas na ang kasambahay raw nito na nagngangalang "Jocelyn" ang tumatanggap sa male-maletang may pera na ipinadadala ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Kung ganoon ay dapat isama sa kasong plunder ang kasambahay na ito ni Cong. Romualdez, period!





Comments