top of page
Magui Ford Planas at Robbie jaworski - IG.jpg

Pati pang-almusal at panggising ng Pilipino, bubuwisan pa!

Writer: BULGAR
BULGAR
45 minutes ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 27, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Lahat na lang may tax, pati kape na nagsisilbing pampagising sa maraming manggagawang Pilipino. 


Sa gitna ng mahal na bilihin at patuloy na pagtaas ng gastusin, hindi kataka-takang maging sensitibo ang publiko sa panukalang dagdag-buwis. Lalo itong dapat pag-aralan kung pati produktong bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng maraming mamamayan ay posibleng mapasama sa usapin ng pagbubuwis.


Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means tungkol sa panukalang dagdag-buwis sa mga inuming may alkohol, iminungkahi ng mga kinatawan ng industriya ng alak na pag-aralan na lamang ang pagpapataw ng buwis sa kape. Ayon sa kanila, mas malaki ang merkado nito dahil mas marami na umanong kabataan, partikular ang Gen Z, ang mas nahihilig sa kape kaysa sa alak.


Ibinahagi rin ng grupo na hindi pa nakakabalik sa antas noong 2021 ang kanilang benta. Mula sa 527 milyong litro na naitalang removals noong 2021, bumaba ito sa 512 milyon noong 2025. Iniuugnay nila ang paghina sa pagtaas ng presyo at pagbabago ng nakagawian ng mga mamimili.


Gayunman, hindi dapat maging dahilan ang paghina ng negosyo upang basta ilipat sa ibang produkto ang pasanin ng buwis. May sariling epekto sa mamamayan ang anumang dagdag-singil sa kape, lalo na sa mga manggagawa, estudyante at maliliit na negosyong umaasa rito sa araw-araw.


Sa kabilang banda, may mahalagang layunin ang panukalang dagdag-buwis sa alcopops o matatamis at may lasang inuming may alkohol. Dahil abot-kaya ang presyo at kaakit-akit ang lasa at pakete, nagiging patok ang mga ito sa kabataan. Kailangang suriin kung paano mapipigilan ang maagang pag-inom at posibleng pagkalulong sa alak.


Noong 2020, nagpatupad ng karagdagang excise tax sa alak at e-cigarette sa ilalim ng Sin Tax Law, na inaasahang lilikha ng P24.9 bilyong kita para sa Universal Health Care. Gayunman, patuloy na nananawagan ang mga health advocate ng mas matibay na hakbang laban sa pag-inom, paninigarilyo at paggamit ng vape ng kabataan.


Noong Hulyo 2026, binigyang-diin din ng isang youth health coalition ang pangangailangan ng mas malaking suporta sa mga programang pangkalusugan para sa kabataan.


Hindi dapat basta magdagdag ng buwis dahil lamang may produktong malakas ang benta. Kailangang malinaw kung anong problemang pangkalusugan ang tutugunan, sino ang maaapektuhan at saan gagamitin ang malilikom na pondo.


Hindi paramihan ng binubuwisang produkto ang sukatan ng mahusay na patakaran. Dapat itong nakabatay sa ebidensiya, may malinaw na layunin at may pakinabang sa publiko. Ang kalusugan ng kabataan ay dapat protektahan, ngunit hindi rin dapat balewalain ang kakayahan ng ordinaryong Pilipino na tustusan ang araw-araw na pangangailangan. Ang bawat buwis ay dapat may katumbas na malinaw at makabuluhang benepisyo para sa bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page