Pagiging mamamayan ng ibang bansa ng asawa

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 27, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang asawa ko po ay matagal nang nagtatrabaho sa ibang bansa. Nitong nakaraang buwan, naaprubahan na ang kaniyang aplikasyon upang maging American citizen. Dahil kasal po kami, nais kong malaman kung mawawala rin ba ang aking Philippine citizenship ngayong naging mamamayan na siya ng ibang bansa. Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Angelica Ancheta
Dear Angelica Ancheta,
Kinikilala ng batas ang pantay na karapatan ng kababaihan at kalalakihan na magkaroon, magpalit, o magpanatili ng kanilang nasyonalidad. Ang Republic Act (R.A.) No. 9710, o mas kilala bilang The Magna Carta of Women, ay sumasalamin ng prinsipyong ito. Sa ilalim ng Seksyon 19 (g) ng nasabing batas:
“SEC. 19. Equal Rights in All Matters Relating to Marriage and Family Relations. – The State shall take all appropriate measures to eliminate discrimination against women in all matters relating to marriage and family relations and shall ensure: x x x
(g) women shall have equal rights with men to acquire change, or retain their nationality. The State shall ensure in particular that neither marriage to an alien nor change of nationality by the husband during marriage shall automatically change the nationality of the wife, render her stateless or force upon her the nationality of the husband. Various statutes of other countries concerning dual citizenship that may be enjoyed equally by women and men shall likewise be considered;” (Binigyang-diin)
Alinsunod dito, hindi awtomatikong nawawala ang pagkamamamayang Pilipino ng isang babae dahil lamang sa pagpapalit ng pagkamamamayan ng kaniyang asawa. Samakatuwid, ang pagiging mamamayang Amerikano ng iyong asawa ay hindi dahilan upang mawala ang iyong pagkamamamayang Pilipino.
Gayunman, mahalagang tandaan na ang pagpapanatili o pagkawala ng pagkamamamayang Pilipino ay nakabatay rin sa mga umiiral na batas tungkol sa pagkamamamayan at sa mga pangyayaring may kaugnayan sa mismong indibidwal. Kaya kung hindi ka gumawa ng anumang hakbang na maaaring makaapekto sa iyong sariling pagkamamamayan, hindi ito awtomatikong magbabago dahil lamang sa naging mamamayan ng ibang bansa ang iyong asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments