Sports organizers, siguruhin ang medical team at kagamitang pang-emergency sa bawat palaro

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 27, 2026

Nagluluksa ang buong sports community dahil sa pagpanaw ng Philippine Basketball Association (PBA) legend na si Peter June “PJ” Simon sa edad na 46 habang naglalaro ng basketball sa Davao City. Nabalitaan din natin ang nangyari sa Fil-Chi Athletic Association basketball player na si Albert Edsel Chua na sa edad na 48 ay nag-collapse habang nasa isang basketball game. Muli po nating ipinapaabot ang ating taos-pusong pakikiramay sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports at Committee on Youth, at vice chairperson ng Committee on Health, nais kong pag-aralan natin kung paano pa mapapalakas ang mga hakbang para sa kaligtasan ng ating mga atleta at ng lahat ng nakikilahok sa mga sporting event.
Napakahalaga po na mayroong medical personnel na nakahandang tumugon sakaling magkaroon ng emergency. May mga pagkakataon kasi na hindi alam ng mga taong naroroon ang tamang pamamaraan ng pagbibigay ng paunang lunas sa mga nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Nananawagan din ako sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na tiyakin ang maayos na implementasyon ng Republic Act No. 10871 o ang Basic Life Support Training in Schools Act, na kilala rin bilang “Samboy Lim Law.” Sa ilalim ng batas na ito, kinakailangang mabigyan ang mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan sa basic education ng angkop na pagsasanay sa basic life support, kabilang ang cardiopulmonary resuscitation (CPR). Maraming buhay ang maaari nating mailigtas kung handa at may sapat na kaalaman ang ating mga kababayan sa pagtugon sa mga emergency.
Plano ko ring maghain ng panukalang batas na naglalayong palakasin ang medical at safety measures sa mga sporting activity. Kailangang pag-aralan kung paano masisiguro ang pagkakaroon ng medical personnel, angkop na kagamitang medikal, at malinaw na mga pamamaraan ng pagtugon sa panahon ng emergency.
Nauna na rin akong naghain ng Senate Bill No. 2261 o ang panukalang Student-Athlete Safety and Welfare Act na naglalayong palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga student-athlete sa kanilang pagsasanay, kompetisyon, at iba pang gawaing pampalakasan. Bahagi rin ito ng aking patuloy na health reforms crusade.
Nagpapasalamat din ako sa mga organizer ng UNTV Cup Executive Face-Off (EFO) 2026 dahil mayroon silang medical team na nakahandang tumugon sakaling may mangailangan ng agarang atensyong medikal. Bilang miyembro ng Senate Sentinels, nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapaglaro at makapag-ehersisyo kasama ang iba pang mga lingkod-bayan. Magandang pagkakataon din ito para sa mga edad 40 pataas na manatiling aktibo, mapangalagaan ang kanilang kalusugan, at makapagbawas ng stress.
Paalala ko rin po sa ating mga kababayan na ugaliing magpa-checkup, lalo na bago sumabak sa mabibigat na pisikal na aktibidad, partikular kung matagal nang hindi nakakapag-ehersisyo o may iniindang karamdaman. Alamin natin ang kondisyon at limitasyon ng ating katawan. Huwag nating pilitin ang ating sarili kung masama ang ating pakiramdam. Basta kaya ng katawan at ligtas para sa ating kalusugan, hinihikayat ko ang lahat na makilahok sa sports at regular na mag-ehersisyo. Lagi ko ngang sinasabi, get into sports, stay away from drugs, and keep yourself healthy and fit.
Samantala, noong November 21, bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, personal din tayong dumalo sa Ateneo de Davao University Reunion Cup Season 2 Pickleball Tournament sa Davao City. Bilang isa ring mahilig sa sports, natutuwa ako na patuloy na sumisikat ang mga racket sport sa ating bansa at mas marami sa ating mga kababayan ang nahihikayat na maglaro at mag-ehersisyo.
Noong araw ding iyon, nakilahok din tayo sa 2nd Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao Golf Classic Tournament sa Davao City kasama si IBP Davao City President Atty. Ferdinand Taglucop.
Noong November 23 naman, naimbitahan tayong dumalo sa pagtitipon ng mga miyembro ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Bohol Chapter sa Conrad Hotel sa Pasay City.
Kinabukasan, November 24, dumalo rin tayo sa Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP) Conference na ginanap sa Century Park Hotel sa pangunguna ni PBMLP National President Romel Enriquez.
Binigyang-diin natin ang mahalagang papel ng ating mga lokal na opisyal na araw-araw na nagsisilbi at nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Magkakaiba man tayo ng posisyon, iisa ang ating layunin at pare-pareho tayo ng bisyo — ang magserbisyo.
Nagpaabot din tayo ng tulong sa ating mga kababayang naapektuhan ng sunog sa Barangay Baclaran, Parañaque City, sa pakikipag-ugnayan kay Barangay Chairman Jun Zaide. Sa kabila ng ating mga tungkulin sa Senado, mahalaga para sa akin na patuloy nating matulungan sa abot ng ating makakaya ang mga kababayan nating dumaranas ng pagsubok.
Naghatid din ng tulong ang ating Malasakit Team sa mga kababayan nating nangangailangan, partikular sa mga biktima ng sunog sa Zamboanga City; Minglanilla, Cebu; Kalibo, Aklan; Iloilo City; at Quezon City.
Nagpaabot din ng karagdagang tulong ang ating Malasakit Team sa mga TESDA scholars mula sa Tabontabon, Leyte; San Jose, Antique; at Toledo City, Cebu.
Bilang inyong senador, patuloy kong susuportahan ang mga programa at inisyatibang naglalayong palakasin ang ating mga barangay at mas mailapit ang mga pangunahing serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap at higit na nangangailangan.
Tandaan natin, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito.
Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo at ako po ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ’yan sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments