top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Patas na proteksyon sa TNVS drivers at komyuter

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 9, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang gastusin, dapat tiyaking patas ang kita ng TNVS driver nang hindi naman nagiging dagdag-pasanin sa mga komyuter. Kapag hindi makatarungan ang sistema ng pamasahe at pickup fare, parehong driver at pasahero ang maaaring maipit.


Muling ipinatupad ng LTFRB ang fixed pickup fare para sa mga TNVS upang tugunan ang reklamo sa hindi awtorisado at hindi reguladong dagdag-singil. Sa ilalim ng polisiya, hindi maaaring maningil ng pickup fare lampas sa limang kilometrong radius. Inaatasan din ang mga transport network company (TNC) na limitahan sa limang kilometro ang matching radius upang mabawasan ang paghihintay ng pasahero at gastos ng driver sa operasyon.


Magandang hakbang ito kung maayos na maipatutupad. Ngunit kailangan ding bilisan ng mga TNC ang pagbuo at paglalagay sa kanilang mga sistema ng kinakailangang teknikal na pagbabago. Hindi dapat maantala nang sobra ang pagpapatupad ng isang patakarang layong gawing mas malinaw at patas ang singilan.


Mahalaga ito dahil kapag hindi sapat ang kinikita ng driver para matugunan ang gasolina, maintenance at iba pang gastos sa bawat biyahe, maaari silang maging mas maingat sa pagtanggap ng bookings. Posibleng mauwi ito sa mas maraming hindi tinatanggap o nakanselang biyahe, na direktang nararamdaman ng mga komyuter na umaasa sa ride-hailing services araw-araw.


Hindi rin dapat kalimutan na may epekto sa kabuhayan ng driver ang bawat biyahe. Sila ang gumagastos sa gasolina, sasakyan at maintenance bago pa man kumita. Kaya may dahilan upang tiyaking makatwiran ang bayad sa kanilang serbisyo.


Kasabay nito, kailangan ding protektahan ang pasahero laban sa hindi malinaw o hindi awtorisadong dagdag-singil. Dapat madaling makita ng komyuter kung magkano ang pickup fare, paano ito kinakalkula at kung ano ang kabuuang halaga ng biyahe bago ito tanggapin.


Hindi dapat pag-awayin ang interes ng driver at komyuter. Pareho silang bahagi ng transportasyon at pareho silang apektado ng mataas na gastusin. Ang maayos na fixed pickup fare system ay dapat magbigay ng sapat na kita sa driver habang pinananatiling malinaw, makatuwiran at abot-kaya ang singil sa pasahero.


Ang tunay na layunin ng polisiya ay hindi lamang dagdag-pasahe o dagdag-kita. Dapat nitong gawing mas maaasahan ang serbisyo—mas maraming driver ang handang tumanggap ng biyahe, mas kaunting cancellation at mas kaunting abala para sa mga komyuter. Kapag patas ang sistema, parehong driver at taumbayan ang makikinabang.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page