top of page
WINNER - ISA SA MGA HOSTS NA NANLAIT SA ANAK NI KRIS, NAGPAKITA NA SA NBI_FB Circulated.jp

Patas na laban, colorum ay wakasan

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 21, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa pagtutulungan ng pamahalaan at lehitimong negosyo, dapat mangibabaw ang pantay na pagpapatupad ng batas at proteksyon sa taumbayan. 


Mahalaga ang mabilis at maaasahang delivery service sa panahon ngayon, lalo na sa mga umaasa sa online shopping para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya nararapat lamang na tiyaking legal, ligtas at maayos ang operasyon ng mga serbisyong ito, nang hindi napapabayaan ang karapatan ng mga mamimili, manggagawa at lehitimong negosyante.


Nakatakdang paigtingin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kampanya laban sa mga colorum delivery service o mga operator na nagbibigay ng serbisyo nang walang kinakailangang permit mula sa pamahalaan. Kasunod ito ng mga reklamong inihain ng mga lehitimong delivery operator na posibleng nahaharap sa hindi patas na kompetisyon mula sa mga negosyong hindi sumusunod sa mga regulasyon.


Ayon sa ahensya, pinagsama-sama na nito ang mga legal na batayan ng kampanya, kabilang ang legal na opinyon ng Department of Justice (DOJ) at mga desisyon ng Korte Suprema. Layunin nitong matiyak na matibay ang mga kasong isasampa at magkaroon ng mataas na posibilidad na mapanagot ang mga lumalabag.


Nagbabala rin ang LTFRB na hindi ito mag-aatubiling magsampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot sa ilegal na operasyon. Inatasan na rin ang mga tauhan nito na mahigpit na ipatupad ang pag-impound sa mga sasakyang ginagamit sa mga paglabag, alinsunod sa mga itinatakda ng Konstitusyon.


Mas mahigpit din ang proseso sa pagpapalaya sa mga impounded na sasakyan. Ayon sa ahensya, kailangan na ng utos ng korte upang maibalik ang mga ito sa may-ari, kahit nabayaran na ang kaukulang multa.


Nasa P200,000 kada unit ang maaaring ipataw na parusa, habang umaabot naman sa P2 milyon ang multa sa mga paglabag sa batas tungkol sa dayuhang pagmamay-ari. Maaari ring makulong nang hanggang 12 taon ang mga mapatutunayang lumabag sa ilalim ng Public Service Act.


Gayunman, hindi dapat puro paghuli at pagpaparusa ang maging mukha ng kampanya. Nangako rin ang LTFRB na tutulungan ang mga operator na nais gawing legal ang kanilang negosyo. Makatarungan ito, lalo na sa mga naghahanapbuhay na handang sumunod sa mga patakaran ngunit nangangailangan ng malinaw na gabay sa pagkuha ng permit.


Hindi dapat maging pabigat sa taumbayan ang pagpapatupad ng batas. Kailangang malinaw ang mga regulasyon, patas ang inspeksiyon at walang pinipiling operator sa pag-aksyon. Dapat ding tiyaking hindi maaantala ang paghahatid ng mahahalagang produkto at hindi basta-basta mawawalan ng kabuhayan ang mga manggagawang umaasa sa sektor na ito.


Ang tunay na maayos na sistema ay hindi lamang kapag nakakahuli ng lumalabag, kundi nakalilikha rin ng patas na pagkakataon para sa mga negosyante at ligtas na serbisyo para sa mamamayan. Sa pagtutulungan ng pamahalaan, mga operator at mamimili, masisiguro na ang pag-unlad ng delivery industry ay nakabatay sa pagsunod sa batas, hindi sa pag-iwas dito.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page