top of page
BULGARY - LUCAS LORENZO, NA-BANNED DAW SA GOLF DAHIL SA SABLAY NA ASA-IG _juliabarretto.jp

Panukalang pagtatayo ng public nursing home, goodnews sa mga senior

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 25, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hindi I ba’t mas magaan sa dibdib ng nakararami kung ang mga lolo’t lolang iniwan ng panahon ay hindi na kailangang mamalimos ng pag-aaruga? 


Sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay at hirap ng ekonomiya, tila magandang hakbang ang panukalang pagtatayo ng pampublikong nursing home sa bawat lungsod at bayan dahil nagbibigay ito ng pag-asang may sasalo sa mga senior citizen na iniwan, walang tahanan, o wala nang pamilyang masasandalan.


Mahalagang pagtuunan ng pansin ang panukalang Public Nursing Home Act of 2025 na inihain ni Manila 3rd District Representative Joel Chua dahil direkta itong tumatama sa lumalaking pangangailangan ng matatandang sektor. Layunin ng House Bill 5862 na magkaroon ng public nursing homes sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa, partikular sa mga lugar na higit na nangangailangan, sa loob ng limang taon. Para sa maraming Pilipino, hindi lamang ito simpleng imprastraktura kundi isang konkretong simbolo ng malasakit ng pamahalaan sa mga nakatatanda.


Batay sa panukala, bibigyang-prayoridad ang mga senior citizen na inabandona, walang permanenteng tirahan, at wala nang kaanak na kayang magbigay ng wastong pag-aaruga. Iginiit na moral na obligasyon ng lipunan ang pagprotekta sa mga matatandang nalimutan na ng pagkakataon at panahon. Sa ilalim ng mungkahi, kailangang may sapat at maayos na pasilidad ang bawat nursing home—mula sa komportableng kuwarto at espasyo, suplay ng tubig at kuryente, hanggang sa pagkakaroon ng kwalipikadong health workers, recreational facilities, at administrative offices para sa maayos na operasyon.


Inaasahan ding magiging sapat ang bilang ng kama batay sa dami ng senior citizens sa isang lugar upang maiwasan ang kakulangan sa serbisyo. Samantala, nakatakdang magbigay ng technical assistance at supervision ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission of Senior Citizens (NCSC), habang ang pang-araw-araw na pamamahala ay pamumunuan ng local Office of Senior Citizens Affairs katuwang ang Social Welfare Office.


Mahalaga ang panukalang ito dahil maraming pamilya ang hirap nang tugunan ang pangmatagalang pangangalaga sa matatandang mahal sa buhay, lalo na kung kapos sa kita. Maaari itong magsilbing tulong hindi lamang sa senior citizens kundi maging sa mga anak at apo na nais magbigay ng maayos na pag-aaruga ngunit limitado ang kakayahan.


Ang panukalang public nursing homes ay tila hakbang tungo sa mas makataong lipunan. Gayunman, hindi sapat ang magandang layunin lamang; kailangang tiyakin ang sapat na pondo, maayos na implementasyon, at dekalidad na serbisyo upang hindi ito maging isa na namang pangakong napapako. 


Ang tunay na malasakit ng isang bansa ay kung paano nito pinahahalagahan ang mga taong minsang nagtaguyod sa susunod na henerasyon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page