top of page
FRANKLY - IYAKAN N’YO ANG NINANAKAWANG PILIPINO - KAREN-IG _iamkarendavila.jpg

Pananagutan at kaparusahan sa pasaway na motorista

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | June 3, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Mapapaisip ka na lang talaga kung kailan naging astig para sa ilan ang paglalagay ng sarili sa peligro at ng ibang tao sa lansangan para lang sa ilang segundong kasikatan sa social media? 


Sa panahon ngayon na mabilis kumalat ang videos online, tila may ilan pa ring motorista na inuuna ang pagpapakitang-gilas kaysa kaligtasan—isang realidad na direktang nakaaapekto hindi lamang sa batas-trapiko kundi pati sa kapanatagan ng ordinaryong mamamayan.


Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang motorcycle rider matapos mag-viral ang video nito habang nagsasagawa ng “wheelie” stunt sa pampublikong kalsada. Sa naturang eksena, makikitang itinataas ng rider ang unahang gulong ng motorsiklo habang binabalanse ito gamit ang likurang gulong—isang mapanganib na aksyon lalo na sa lugar na ginagamit ng ibang motorista at pedestrian.


Ayon sa LTO, hindi lamang delikadong stunt ang naging problema sa insidente. Lumabas din sa imbestigasyon na walang suot na standard protective helmet ang rider, hindi rin ito nakasuot ng wastong sapatos, walang side mirror ang motorsiklo, at higit sa lahat, hindi rehistrado ang ginamit na sasakyan. Dahil dito, ipinatawag ng LTO ang rehistradong may-ari at mismong rider upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng kaukulang parusa.


Agad ding isinailalim sa alarm status ang motorsiklo habang suspendido ng 90 araw ang lisensya ng rider, na kinakailangang isumite sa Intelligence and Investigative Division (IID) ng LTO. Para kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang ganitong asal sa lansangan ay hindi dapat gawing normal dahil hindi lamang sarili ang nalalagay sa panganib kundi maging ang buhay ng ibang tao.


Kung tutuusin, mahalagang paalala ito sa publiko na ang pagiging mahusay magmaneho ay hindi nasusukat sa tapang gumawa ng stunt o sa dami ng views online. Mas mahalagang batayan ay disiplina, respeto sa kapwa motorista, at pagsunod sa batas. Kapag may isang iresponsableng rider sa daan, buong komunidad ang maaaring maapektuhan—mula sa pamilyang posibleng mawalan ng mahal sa buhay hanggang sa mga inosenteng commuter na nadadamay sa aksidente.


Hindi simpleng viral content ang ganitong insidente kundi babala kung paano nagiging banta sa taumbayan ang maling pag-uugali sa lansangan. Kung nais nating maging ligtas ang mga kalsada, kailangang pairalin hindi lamang ang paghihigpit ng batas kundi pati ang personal na pananagutan ng bawat motorista. Ang totoong “angas” sa kalsada ay hindi pagiging pasaway kundi pagiging responsable para sa kapakanan ng lahat. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page