top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

Panagutin ang mga may sala at hustisya sa mga biktima sa gumuhong gusali

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 4
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | June 4, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nakakatulog pa ba nang mahimbing ang mga may sala, kapag ang isang gusaling ginagawa pa lamang ay bigla na lang gumuho at bumawi ng maraming buhay? 


Sa bawat trahedyang tulad nito, hindi maiwasang sumagi sa isip ng marami kung sapat nga ba ang pagbabantay sa kaligtasan ng mga manggagawa at ng mga komunidad na nakapaligid sa malalaking proyekto. Ang pagbagsak ng isang 9-palapag na gusali ay hindi lamang simpleng aksidente—isa itong masakit na paalala kung gaano kahalaga ang pananagutan at masusing inspeksyon.


Muling nadagdagan ang bilang ng mga nasawi matapos matagpuan ng mga rescuer ang isa pang biktima mula sa gumuhong under-construction na gusali nitong Miyerkules ng umaga. Sa pinakahuling tala ng Unified Command, umakyat na sa 23 ang kumpirmadong namatay sa trahedya matapos marekober ang katawan ng pinakahuling biktima bandang alas-9 ng umaga sa gitna ng nagpapatuloy na search, rescue, at retrieval operations.


Hindi pa inilalabas ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng pinakabagong nasawi habang isinasailalim pa ito sa beripikasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO). Bago nito, isa ring biktima ang naiahon ng mga responder dakong alas-7 ng umaga., matapos matagpuan sa ilalim ng mga debris bandang alas-4 ng umaga.


Matatandaang madaling-araw ng Mayo 24 nang biglaang bumagsak ang gusaling nasa konstruksyon, dahilan upang maipit ang ilang construction worker at iba pang indibidwal na nasa paligid ng istruktura. Hanggang ngayon, patuloy ang operasyon ng mga rescue team sa pag-asang may mahahanap pang mga labi o makakalap ng mahahalagang ebidensya hinggil sa tunay na sanhi ng trahedya.


Ang pangyayaring ito ay higit pa sa numero ng mga nasawi o balitang mabilis na lilipas. Isa itong seryosong usapin ng kaligtasan, regulasyon, at pananagutan. Kung ang isang gusaling hindi pa tapos itayo ay maaari nang magdulot ng ganitong sakuna, paano matitiyak ng ordinaryong mamamayan na ligtas ang mga estrukturang ginagamit sa pang araw-araw?


Ang trahedyang ito ay dapat magsilbing babala hindi lamang sa mga contractor at developer kundi maging sa mga ahensyang may tungkuling magbantay sa kalidad at seguridad ng mga proyekto. Hindi sapat ang pagluluksa pagkatapos ng sakuna. Mas mahalaga ang maagap na aksyon upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong trahedya. Bawat buhay na nawala ay paalala na ang kapabayaan—anumang anyo nito—ay may mabigat na kapalit.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page