Pambansang awit, ‘di dapat gawing biro, mga pasaway, panagutin
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 30, 2026

Paano na lang ang dangal at kasaysayan ng ating Pambansang awit kung sa gitna ng sayawan at aliwan, ay tila ito ay ginagawang biruan ng karamihan?
Dito nasusukat kung gaano natin pinahahalagahan ang pagiging Pilipino, dahil ang respeto sa bayan ay hindi lamang ipinapakita sa salita kundi sa wastong asal. Ito ang matapang na paalala ng National Historical Commission of the Philippines matapos kumalat ang viral short-form video kung saan inawit ang “Lupang Hinirang” sa hindi angkop na paraan sa isang outdoor rave party.
Ayon sa NHCP, inilabas nila ang pahayag nitong Martes, Abril 28, matapos makatanggap ng ulat tungkol sa naturang video. Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nangyari umano ang insidente noong Disyembre 2025 sa Estados Unidos. Dahil dito, hindi sakop ng hurisdiksyon ng batas ng Pilipinas ang pangyayari kaya hindi maaaring sampahan ng kasong legal ang mga sangkot.
Gayunman, nilinaw ng komisyon na kahit nasa ibang bansa ang isang Pinoy, hindi nawawala ang tungkuling igalang ang mga pambansang sagisag. Saklaw ng Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code ang wastong paggamit ng watawat, pambansang awit, at iba pang simbolo ng bansa. Nakasaad dito na ang “Lupang Hinirang” ay dapat awitin ayon sa orihinal na komposisyon at areglo ni Julian Felipe at hindi maaaring gamitin bilang libangan, pang-aliw, o dekorasyon lamang sa anumang event.
Mahalaga ang paalalang ito dahil ang pambansang awit ay hindi ordinaryong kanta na puwedeng remix, gawing background music, o sabayan ng kalasingan at kasiyahan. Isa itong paalala ng ating kasaysayan, pakikibaka, at kalayaang ipinaglaban ng mga bayani. Kapag minamaliit natin ang simbolo ng bansa, unti-unti ring humihina ang pagtingin natin sa sariling identidad bilang mamamayan.
Sa panahon ngayon na halos lahat ay ginagawang content para mag-viral, kailangang may hangganan ang paghahanap ng pansin. Hindi lahat ay dapat gawing biro o pakulo. May mga bagay na kailangang ituring na sagrado dahil sumasalamin ito sa pinagmulan ng sambayanan.
Tama ang NHCP sa pagpapaalala na ang pagkamakabayan ay hindi nasusukat sa lakas ng sigaw kundi sa simpleng paggalang sa mga simbolo ng bansa. Kung marunong tayong rumespeto sa “Lupang Hinirang,” ipinapakita nating buhay pa rin ang dangal ng Pilipino saan mang sulok ng mundo.




Comments