Pagtulak nasaksihan, kamatayan napatunayan, pero hustisya bigong makamit!
- BULGAR

- 5 days ago
- 6 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | August 29, 2026
ISSUE #410
Madalas tayong abala sa pang-araw-araw na mga gawain, paghahanapbuhay, o kaya naman ay sa pag-aalaga at pag-aaruga sa ating pamilya. Kung kaya’t madalas na nawawaglit din sa ating isipan na ang buhay ay panandalian lamang, hanggang sa may mga pangyayaring magpapaalala sa atin na ang bawat oras at araw ng ating buhay ay hindi dapat sayangin.
Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay maituturing na isang paalala na sa araw-araw ay bigyan natin ng pagpapahalaga ang ating buhay. Iwasan ang anumang gulo o pagtatalo upang maiwasan din ang anumang kapahamakan na maaaring maging bunga nito. Ang kuwentong ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong kriminal na may pamagat na People of the Philippines vs. Robinson Amomonpon y Hidlaw (Criminal Case No. 926, April 11, 2023), isang pagtatalo ang pinaniwalaang naging mitsa ng buhay ni Miguel. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng malungkot niyang kuwento at alamin kung ang hustisya ay kanya natamo matapos ang paglilitis.
Batay sa testimonya ng naulilang asawa ni Miguel na si Delfina, nagpunta si Miguel sa terminal ng mga multicab sa Plaridel, Misamis Occidental noong umaga ng ika-29 ng Disyembre 2011 upang kumpunihin ang kanya multicab. Hindi umano sumama si Delfina. Kaya laking gulat na lamang umano niya nang ibalita sa kanya ng mga nagngangalang Gabriel at Vivian ang naganap na pagtatalo sa pagitan nina Miguel at ng isa pang drayber na nagngangalang Robinson. Diumano, habang nagaganap ang pagtatalo, itinulak ni Robinson si Miguel, dahilan upang bumagsak sa lupa ang huli.
Lumipas ang nasabing insidente nang makaranas umano ng pagsusuka si Miguel. Dinala siya ng kanilang anak sa pagamutan sa Oroquieta City. Lumipas muli ang ilan pang araw at inilipat si Miguel sa pagamutan sa Cebu. Sa kasamaang-palad, binawian ng buhay si Miguel noong ika-21 ng Enero 2012.
Batay sa testimonya ni Gabriel, personal niyang kilala sina Miguel at Robinson dahil kapwa niya mga drayber ang dalawa. May sampung taon na rin niya umanong kilala si Miguel dahil miyembro sila ng iisang simbahan.
Diumano, naghihintay siya ng pasahero sa terminal bandang alas-8:00 ng umaga noong ika-29 ng Disyembre 2011. Limang metro umano ang layo niya kay Miguel, na noon ay may kinukumpuni sa ilalim ng multicab nito. Dumating umano si Robinson, dahilan upang tumigil si Miguel sa kanya ginagawa, tumayo at humarap sa kanya. Nauwi umano ang nasabing paghaharap sa isang pagtatalo at itinulak ni Robinson si Miguel sa dibdib. Natumba umano si Miguel at tumama ang likurang bahagi ng ulo nito sa lupa. Gayunman, tumayo umano si Miguel na tila walang nangyari. Wala rin umanong napansin si Gabriel na pinsalang tinamo ni Miguel.
Nakalipas na umano ang mga araw mula nang naganap ang insidente nang mabalitaan ni Gabriel na isinugod sa pagamutan si Miguel. Dinala pa umano ito sa Cebu, kung saan kalaunan ay binawian ng buhay.
Noong ika-31 ng Agosto 2012, isinampa ang kasong homicide laban kay Robinson sa Regional Trial Court (RTC) ng Calamba, Misamis Occidental kaugnay sa pagkamatay ni Miguel.
Tinanggap ng hukuman sa paglilitis bilang dokumentaryong ebidensya para sa Tagausig ang Medical Certificate kaugnay sa pagkamatay ni Miguel. Hindi naman tinanggap ang inialok ng Tagausig na Death Certificate ni Miguel at sipi ng Police Blotter sapagkat ang mga ito ay simpleng kopya o photocopies lamang.
Kawalan ng kasalanan naman ang iginiit ni Robinson. Sa tulong at representasyon ni
Manananggol Pambayan C.D. Silao-Decolongon ng PAO-Calamba, Misamis Occidental District Office, hiniling ng Depensa na makapaghain ng Demurrer to Evidence sapagkat, sa kanilang tapat na paniniwala, hindi naitaguyod ng Tagausig ang pagkakasala ni Robinson nang higit pa sa makatwirang pagdududa.
Ipinagkaloob ng hukuman sa paglilitis ang nasabing hiling ng Depensa. Naghain ang
Depensa ng Demurrer to Evidence, at naghain naman ng Comment/Opposition sa naturang Demurrer ang Tagausig.
Sa pagdedesisyon sa kasong ito, unang ipinaalala ng hukuman sa paglilitis na may garantiya sa ilalim ng ating Saligang Batas, na nakasaad din sa Rule 133, Section 2 ng Revised Rules on Evidence, na ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na walang kasalanan. Maaari lamang mahatulan ng pagkakasala ang isang akusado kung ito ay napatunayan ng Tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Ang katibayang higit pa sa makatuwirang pagdududa ay hindi nangangahulugan ng ganap na katiyakan, kundi moral na katiyakan na nagbubunga ng pananalig sa pag-iisip ng taong walang kinikilingan.
Ipinaalala rin ng hukuman sa paglilitis ang kahalagahan ng pagpapatunay sa bawat elemento ng krimen.
Para sa krimen na homicide, kinakailangang mapatunayan ng Tagausig ang mga sumusunod na elemento: (1) mayroong taong pinaslang; (2) ang taong ito ay pinaslang ng akusado nang walang makatuwirang dahilan; (3) may intensiyon ang akusado na pumatay, at ang naturang intensiyon ay ipinagpapalagay; at (4) ang pamamaslang ay hindi nakakitaan ng alinman sa mga qualifying circumstances ng krimen na murder, parricide o infanticide.
Bagama’t napatunayan ng Tagausig sa kasong ito na nasawi si Miguel at wala sa mga sirkumstansiya ng kanya pagkamatay ang alinman sa mga qualifying circumstances ng krimen na murder, parricide o infanticide, hindi naman nakumbinsi ang hukuman sa paglilitis na naitaguyod ang kaugnayan ng naganap na pagtatalo sa pagitan nina Miguel at Robinson sa nasabing kasawian.
Sa ibinigay na testimonya ni Gabriel, ibinahagi niya ang ginawang pagtulak ni Robinson kay Miguel, ang pagkatumba ng huli at ang pagtama ng ulo nito sa lupa. Subalit, kay Gabriel din mismo nanggaling na tumayo si Miguel na tila walang nangyari at hindi nakitaan ng anumang pinsala.
Naging kapuna-puna rin sa hukuman sa paglilitis na dalawampu’t dalawang araw ang lumipas mula nang maganap ang pagtatalo sa pagitan ng dalawa noong ika-29 ng Disyembre 2011 hanggang sa araw ng pagkasawi ni Miguel noong ika-21 ng Enero 2012.
Sa kabila nito, walang katibayang ipinrisinta ang Tagausig na dinala at ginamot si Miguel sa ospital o pagamutan matapos ang insidente, at wala ring katibayan ng sanhi ng kamatayan ni Miguel. Photocopy lamang ng kanya Death Certificate ang inihain ng Tagausig bilang ebidensya, na hindi tinanggap ng hukuman sa paglilitis. Ang kanya Medical Certificate, bagama’t tinanggap ng hukuman sa paglilitis, ay hindi naman napatotohanan sapagkat hindi tumestigo sa paglilitis ng kaso ang doktor na gumawa nito.
Binigyang-diin ng hukuman sa paglilitis na ang Medical Certificate ay opinyon lamang ng gumawa nito. Upang magkaroon ito ng bigat bilang ebidensya, kinakailangang maitaguyod ang kwalipikasyon ng gumawa nito bilang expert witness. Mahalaga para sa hukuman sa paglilitis ang pagpapatotoo sa nasabing dokumento dahil sa dami ng araw na lumipas mula sa insidente ng pagtatalo nina Miguel at Robinson hanggang sa pagkasawi ni Miguel. Kung kaya’t kinakailangang maitaguyod ang pagkakaugnay ng pagkatulak, pagkatumba at pagkatama ng kanya ulo sa lupa sa malubhang kondisyong kanya pinagdaanan bago siya pumanaw.
Ang kabiguan ng Tagausig na patunayan na nagtamo ng pinsala si Miguel mula sa nasabing insidente at ang hindi pagtestigo ng doktor na gumawa ng nasabing Medical Certificate ay nagbunga ng kakulangan sa katibayan na ang insidente ang direkta, natural at lohikal na sanhi ng pagkamatay ni Miguel. Dahil dito, nabigo ang Tagausig na patunayan ang ikalawang elemento ng homicide—na si Robinson ang pumaslang kay Miguel nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Kaugnay nito, hindi na tinalakay pa ng hukuman sa paglilitis ang ikatlong elemento.
Kung kaya’t sa Resolusyon na may petsang ika-11 ng Abril 2023, ipinag-utos ng RTC Calamba, Misamis Occidental ang pagpapawalang-sala kay Robinson. Wala nang inihain na petition for review on certiorari upang kuwestiyunin ang naturang kautusan.
Hindi man natin alam kung kailan, ngunit darating at darating ang araw ng pagwawakas ng buhay na sa atin ay ipinahiram lamang. At kahit ano pa man ang ating gawin, maging sa kabila rin ng ating mga taimtim na panalangin, sadyang wala tayong kakayahan upang ang mga nakaukit sa ating palad ay baguhin o pigilan ang kamatayan kung sadyang dumating na ang takdang oras natin.
Gayunman, walang makatutumbas sa mabuting pagpapasya at ibayong pag-iingat. Iwasan din ang anumang gulo o pakikipag-away. At kung mayroon mang maranasang hindi magandang pangyayari, huwag itong ipagsawalang-bahala. Lunas o tulong, huwag mahihiya o magdalawang-isip na humingi nito. Baka ito ang magliligtas sa iyo mula sa kapahamakan, lalo na sa kamatayan.
Tulad ng nangyari kay Miguel, kung hindi sana lumipas ang ilang araw at kung agad siyang nagpasuri, marahil ay natanggap niya ang angkop na medikal na atensiyon at nailigtas pa ang kanya buhay. Kung mayroon din sanang katibayan na ang ginawa ni Robinson ang naging sanhi ng hindi inaasahan niyang kamatayan, marahil ay napanagot ito at nagbabayad na sa kulungan.
Nawa ay pumukaw sa inyong isip at damdamin ang kuwento natin sa araw na ito at kinapulutan ninyo ng aral. Hanggang sa muli…




Comments