Pagreretiro sa edad na 56, dagdag-panahon para sa sarili, pamilya at mahal sa buhay

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 26, 2026

Siguruhin na hindi lamang dagdag na panahon para makapagpahinga ang layunin ng pagpapababa sa edad ng pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno, kundi tunay na pagkilala sa kanilang mahabang panahong paglilingkod sa bayan.
Matapos ang maraming taon ng pagtatrabaho, nararapat lamang na mabigyan sila ng pagkakataong makasama ang pamilya, alagaan ang sarili at magamit ang pinaghirapang benepisyo habang may lakas at panahon pa silang gawin ang mga bagay na matagal na nilang ipinagpaliban.
Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 10995 na naglalayong ibaba mula 60 tungong 56 ang edad ng pagreretiro ng mga kawani ng pamahalaan. Nakakuha ito ng 209 na boto pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukala, babaguhin ang Section 13-A ng Republic Act No. 8291 o Government Service Insurance System (GSIS) Act of 1997. Papayagan nitong magretiro sa edad na 56 ang mga miyembro ng GSIS na nakapagsilbi nang hindi bababa sa 15 taon, basta hindi sila tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability. Ang mga kuwalipikadong magreretiro ay makatatanggap ng kaukulang benepisyo mula sa GSIS.
Para sa mahigit isang milyong kawani ng pamahalaan, malaking bagay ang pagkakaroon ng ganitong opsiyon. Hindi lahat ay kayang maghintay hanggang edad 60, lalo na kung nais na nilang bigyan ng mas maraming panahon ang kanilang pamilya o magpokus sa kalusugan at personal na pangangailangan.
Maaari rin itong maging pagkakataon upang subukan ng mga retirado ang ibang hanapbuhay, negosyo o mga gawaing matagal na nilang pinapangarap. Kasabay nito, inaasahang magkakaroon ng pagkakataon ang mas batang kawani na umangat sa serbisyo at punan ang mga mababakanteng posisyon.
Gayunman, hindi dapat kalimutan na may kaakibat na responsibilidad ang pagpapatupad nito. Kailangang tiyakin na sapat ang pondo ng GSIS upang maibigay ang nararapat na benepisyo sa mga magreretiro nang hindi naaapektuhan ang seguridad ng pondo para sa iba pang miyembro. Dapat ding planuhin ng mga ahensiya ang pagpapalit sa mga aalis na kawani upang hindi maantala ang serbisyo publiko.
Ang pagreretiro ay hindi lamang pagtatapos ng karera kundi simula ng panibagong yugto ng buhay. Karapat-dapat na makinabang ang mga lingkod-bayan sa bunga ng kanilang pagsisikap, ngunit dapat ding matiyak na hindi mapapabayaan ang mamamayang umaasa sa kanilang serbisyo. Ang panukalang ito ay hindi lamang kung ilang taon ang maagang maibibigay sa mga empleyado, kundi kung paano nito mapapabuti ang kanilang buhay habang nananatiling maayos at tuluy-tuloy ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan.





Comments