top of page
SHEET - REKLAMO SA MTRCB VS. PBB, UMABOT NA SA 2,600_FB Ogie Diaz.jpeg

Wastong nutrisyon, pundasyon ng de-kalidad na edukasyon

Writer: BULGAR
BULGAR
26 minutes ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 26, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Ratipikado na ng Senado ang bicameral conference committee report na nagresolba sa pagkakaiba ng Senate Bill No. 2272 at House Bill No. 9466. Sa ilalim ng ratipikadong panukalang pinamagatang National Children’s Nutrition Act, patatatagin natin ang pagsugpo natin sa malnutrisyon sa iba’t ibang yugto ng buhay ng isang bata, mula sa sinapupunan hanggang sa makatungtong siya sa paaralan. 


Malalim ang ugnayan ng malnutrisyon at ng krisis sa edukasyon na hinaharap ng ating bansa. Kung ating babalikan ang 2025 Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) Updating Survey, lumalabas na 25.3% o isa sa apat na mga batang wala pang limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad. 


Nagiging stunted ang isang bata kung kulang ang nutrisyong kanyang natatanggap sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay, mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan. Matindi ang pinsalang idinudulot nito sa kakayahan ng isang batang matuto, at sa kanyang pagtanda, maaapektuhan din ang kanyang kakayahang magkaroon ng maayos na hanapbuhay. 


Kaya naman, sa ilalim ng ating ratipikadong panukala, titiyakin nating matutugunan ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga bata sa iba’t ibang yugto ng kanilang paglaki. Sa unang 1,000 ng kanilang buhay, magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyong mandato ng Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act (Republic Act No. 11148).


Para naman sa lahat ng batang dalawang taong gulang at wala pang limang taong gulang na saklaw ng Early Childhood Care and Development (ECCD) System, ipapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa tulong ng mga local government units (LGUs), ang Supplemental Feeding Program. Para naman sa mga batang bahagi ng parehong age group na humaharap sa kakulangan sa nutrisyon ngunit hindi saklaw ng ECCD, pagsisikapan pa rin ng DSWD na maabot sila ng Supplemental Feeding Program sa tulong ng mga Barangay Health Workers. 


Magiging saklaw na rin ng School-Based Feeding Program ang lahat ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3. Magpapatuloy ang suporta ng naturang programa para sa mga mag-aaral ng Grade 4 hanggang Grade 6 na may kakulangan sa nutrisyon. Saklaw na rin ng programa ang mga batang ina na naka-enroll sa mga pampublikong paaralan. 


Mandato rin ng ating ratipikadong panukala na hindi bababa sa 200 na araw ang parehong Supplemental Feeding Program at School-Based Feeding Program. Itinakda rin ng ratipikadong panukala ang iba pang mga benepisyaryo ng School-Based Feeding Program, kabilang iyong mga nasa ilalim ng Alternative Learning System, mga Indigenous Peoples, at iba pa.


Bagama’t nalalapit na ang ganap na pagsasabatas ng ating panukala, titiyakin na nating magpapatuloy at mapapatatag na ng 2027 national budget ang suporta sa mga programang ito. Kapag naisabatas nang ganap ang panukalang ito, mas mapapatatag natin ang pundasyon ng mga bata sa kanilang pag-aaral. Matitiyak din nating wala nang batang papasok sa silid-aralan nang kumakalam ang sikmura.





May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page