top of page
TEKA NGA - KIM, BIGLANG INIWAN ANG CAREER SA ‘PINAS PARA TUMIRA SA CANADA_IG _chinitaprinc

Pagpaslang sa anak, nasaksihan ng ama; hatol, binaligtad!

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
6 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | October 12, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #414



Ulila ang tawag sa isang anak na namatayan ng magulang, samantalang balo naman ang tawag sa isang asawang namatayan ng kabiyak. Subalit, walang partikular na katawagan para sa isang magulang na namatayan ng anak. Pero, bakit nga ba walang tiyak na salita para dito? 


Marami ang nagsasabing ang kawalan ng angkop na katawagan ay dahil walang salitang makapapantay sa lalim at sakit ng pagdadalamhating nararanasan ng isang magulang na namatayan ng anak. Sumasalungat kasi ito sa likas na kaayusan ng mga henerasyon, sapagkat ang anak ang inaasahang maglilibing sa kanyang mga magulang, hindi ang mga magulang ang maglilibing sa kanilang anak.


Ang kuwentong ibabahagi namin sa araw na ito ay tungkol sa legal na laban na isinulong ni Jose, isang amang diumano'y nakasaksi sa pagkakapaslang sa kanyang anak habang magkasama sila.


Hango sa kaso na may pamagat na People of the Philippines vs. Ernito Tapnayan y Guisalao (CA-G.R. CR No. 02357-MIN, August 10, 2021), sama-sama nating alamin ang mga kaganapan na naging sanhi ng malalim na pagdadalamhati ni Jose at kung nakamit nga niya at ng kaluluwa ng namayapa niyang anak ang hustisya. 


Isang paratang para sa krimen na Murder ang inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Manolo Fortich, Bukidnon laban sa sinasabi na magkaibigan na sina Ernito at Junrey. 

Diumano, sila ay nagsabwatan at nagtulungan, nang may intensyon na pumaslang, kataksilan at paggamit ng higit na lakas, sa pananalakay at pananaksak sa biktima na nagngangalang Ricky. 


Nagtamo si Ricky ng malulubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan. 


Ang naturang insidente ay naganap bandang alas-10:00 ng gabi, noong ika-22 ng Oktubre 2015 sa isang barangay sa Talakag, Bukidnon.


Batay sa testimonya ni Jose, noong oras at petsa na nabanggit, siya at ang kanyang anak na si Ricky ay nasa loob na ng kanilang kubo at naghahanda na matulog nang biglang salakayin at saksakin si Ricky ni Junrey gamit ang anim na pulgada na kutsilyong pangangaso, sinaksak diumano ni Junrey sa dibdib si Ricky. Nang mapatagilid diumano si Ricky, sinaksak naman ni Junrey ang tagiliran ni Ricky. Magkatabi umano na nakaupo sina Jose at Ricky, at naiilawan ng lampara na de-gaas ang kanilang kubo, kung kaya’t nakita ni Jose ang pangyayari. Nakita niya rin na sinaksak diumano ni Ernito si Ricky sa tagiliran gamit ang kutsilyong pangangaso. Dali-dali umanong tumakas sina Ernito at Junrey, habang agad naman na humingi ng saklolo sa barangay si Jose. Nang makabalik si Jose, wala na umanong buhay si Ricky.


Kilala umano ni Jose sina Ernito at Junrey dahil sila ay magkabarangay. Gayunman, wala umanong alitan sa pagitan ng kanyang anak at ng dalawang nasasakdal, hindi rin umano nakainom ang mga ito. 


Samantala, kinabukasan agad na inilibing si Ricky matapos ang malagim na insidente.

Batay sa testimonya ni Dr. Generalao, ang ibinigay niya na Sertipiko ng Pagkamatay ni Ricky ay batay sa naging pahayag ni Jose, sa Sertipiko ng Kapitan ng Barangay at sa Ulat ng Pulisya. Hindi niya umano personal na nasuri ang labi ng biktima dahil humigit-kumulang 30 kilometro ang layo ng pinangyarihan ng krimen mula sa kanyang himpilan at mapupuntahan lamang sa pamamagitan ng 4 x 4 na sasakyan, gayun na rin ang agaran na pagkakalibing sa biktima.


Itinanggi naman nina Ernito at Junrey ang mabigat na paratang laban sa kanila. Bago pa man magtuloy ang paglilitis ng kaso ay binawian ng buhay si Junrey. Kung kaya’t mag-isa na lamang na hinarap ni Ernito ang paglilitis.


Mariin na pinabulaanan ni Ernito ang akusasyon laban sa kanya. Diumano, nagpunta sa kanya si Junrey bandang alas-10:00 ng gabi noong ika-22 ng Oktubre 2015 na mayroong bitbit na isang armalite at pinagbantaan ang kanyang buhay kung hindi siya sasama sa pagsuko sa himpilan ng pulis. 


Batay naman sa testimonya ni Virgilio, ama ni Ernito, inamin sa kanya ni Junrey ang ginawa nitong pamamaslang kay Ricky. 


Bilang Bantay Basak na mayroong awtoridad na mang-aresto, isinuko niya umano si Junrey sa himpilan ng pulis. Diumano, isinama lamang niya roon si Ernito bilang pag-iingat dahil mayroon nang pagbabanta sa buhay ni Ernito mula sa pamilya ni Junrey. 


Sinabihan diumano ni Virgilio ang mga pulis na huwag isama sa kaso ang kanyang anak, subalit idinawit pa rin si Ernito, marahil sa kadahilanan na malapit na magkaibigan sina Ernito at Junrey. 


Matapos ang ilang taong paglilitis, nagbaba ng hatol ang RTC Manolo Fortich, Bukidnon. Si Ernito ay nahatulang salarin sa pamamaslang kay Ricky.


Sapagkat hindi tanggap ni Ernito ang naturang desisyon, kaya agad siyang naghain ng apela sa Court of Appeals (CA) Cagayan de Oro City. Sa tulong at representasyon ng PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (RSACU)-Mindanao, iginiit ng Depensa na nararapat ipawalang-sala si Ernito sapagkat hindi naitaguyod ng Tagausig, nang higit pa sa makatuwirang pagdududa, ang partisipasyon ni Ernito sa pamamaslang sa biktima.


Sa pagdedesisyon sa kaso na ito, ipinaalala ng CA Cagayan de Oro City ang kahalagahan ng pagpapatunay sa mga sumusunod na elemento ng krimen na Murder: 


(1) Mayroong tao na napaslang; (2) ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) naganap ang pamamaslang nang mayroong isa sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code (RPC); at (4) ang pamamaslang ay hindi saklaw ng krimen na parricide o infanticide. 


Ang naging hatol ng hukuman ng paglilitis kay Ernito ay lubos na ibinatay sa testimonya ni Jose. Kung kaya’t minarapat na muling suriin ang testimonya ng ama ng biktima. 


Naging kapuna-puna ang testimonya ni Jose, kanyang binanggit na nagtamo ng apat na sugat mula sa pagkakasaksak ang kanyang anak at si Junrey ang mayroong hawak ng kutsilyo at sumaksak sa biktima. Noong siya ay isailalim sa cross examination, kinumpirma ni Jose na tinangka rin ni Junrey na siya ay salakayin subalit napigilan ito ni Ernito.


Sa bahagi na ito ng paglilitis lamang din binanggit ni Jose na sinaksak ni Ernito ang kanyang anak nang isang beses, ngunit hindi niya nabanggit kung saang partikular na bahagi ng katawan nasaksak ang biktima. Wala ring ibinahaging ebidensya ang Tagausig kung ang sugat na tinamo mula sa nasabing pagkakasaksak ay sapat upang maging sanhi ng pagkamatay ni Ricky.


Hindi rin nakaiwas sa mapanuring isipan ng Hukuman ng mga Apela na ang testimonya ni Jose ay maaaring naapektuhan ng lubha niyang kalungkutan bunsod ng pagkamatay ng kanyang anak, at naisipan lamang niya na iparatang kay Ernito ang kriminal na pananagutan sapagkat namatay na si Junrey bago pa man umusad ang paglilitis ng kaso. 


Kaugnay nito, nabuo ang pagdududa kaugnay sa aktwal na partisipasyon ni Ernito sa pamamaslang sa biktima. Kung kaya’t minarapat na ilapat ang equipoise rule.


Sa ilalim ng legal na tuntunin na ito, kung ang mga katotohanan at pangyayari na nagpaparatang ng pagkakasala ay mayroong kakayahan na magbigay ng dalawa o higit pang paliwanag – ang isa ay naaayon sa kawalan ng kasalanan ng nasasakdal at ang isa naman ay naaayon sa kanyang pagkakasala – ang ebidensyang inihain ay hindi nakatutugon sa pagsubok ng moral na katiyakan at hindi sumasapat upang makabuo ng paniniwala. Sa madaling salita, mayroong kakulangan sa kabuuan na patunay na kinakailangan upang mahatulan ng pagkakasala ang nasasakdal.


Para din sa Hukuman ng mga Apela, bigo ang Tagausig na patunayan kung saang bahagi ng katawan sinaksak ni Ernito si Ricky at kung ito ba ay nagdulot ng malubhang sugat upang ikamatay ng biktima. Wala ring ipinrisinta na ebidensya ang Tagausig na nagtataguyod ng pagsasabwatan sa pagitan nina Junrey at Ernito. Pagpapaalala ng Hukuman ng mga Apela, ang sabwatan o conspiracy ay hindi maaari na ipagpalagay lamang. Bagkus, tulad ng pagpapatunay sa krimen, ang paratang ng sabwatan ay kinakailangan na malinaw at tiyak na mapatunayan.



Binigyang-diin din ng Hukuman ng mga Apela na maaaring ang kawalan ng kasalanan ng nasasakdal ay kaduda-duda, subalit kung ang kanyang pagkakasala naman ay hindi naitaguyod nang mayroong moral na katiyakan, nararapat lamang na igawad ang hatol ng pagpapawalang-sala. 


Sapagkat mayroong makatuwirang pagdududa na nabuo sa isipan ng Hukuman ng mga Apela ukol sa pagkakasala ni Ernito, kanilang minarapat na baliktarin at isantabi ang naunang desisyon ng RTC Manolo Fortich, Bukidnon at ipawalang-sala si Ernito. Ang nasabing Desisyon ay ipinroklama ng CA Cagayan de Oro City noong ika-10 ng Agosto 2021.


Walang magulang ang dapat na maglibing sa kanilang anak. Gayunman, walang nasasakdal ang dapat mapatawan ng kaparusahan kung ang kanyang pagkakasala ay hindi naitaguyod nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Batid namin na labis-labis ang sakit at pighati na naging dulot kay Jose ng pagkakapaslang ng kanyang anak na si Ricky. Subalit, hindi maaari na isaalang-alang lamang ang kanyang nararamdaman upang pagbayarin si Ernito para sa kasalanan na hindi naman lubos na napatunayan sa hukuman.


Dalangin namin na sa pagwawakas ng kaso na ito ay nakamit pa rin ng kaluluwa ni Ricky ang katahimikan. Hindi man napagbayaran ni Junrey sa mundong ito ang kanyang ginawa, mayroon pa ring paghuhukom ang langit para sa kanya.



1 Comment


nila
an hour ago

Justice should always be served fairly and transparently.

Space Waves

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page