Delinquent member, ano ang mga karapatang mawawala?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 12, 2026

Dear Chief Acosta,
May-ari ako ng bahay at lupa sa isang village at miyembro ng aming homeowners’ association. Ngunit dahil halos isang taon na akong hindi nakapagbabayad ng membership dues, idineklara akong “delinquent member” matapos akong bigyan ng abiso at pagkakataong magpaliwanag tungkol sa hindi ko pagbabayad sa tamang oras. Ano ang ibig sabihin ng pagiging delinquent member ng isang homeowners’ association? Tama pa rin ba na singilin ako ng asosasyon ng buwanang dues kahit na ako ay itinuturing na delinquent member? — Mima
Dear Mima,
Patakaran ng pamahalaan na kilalanin at itaguyod ang mga karapatan ng mga homeowners bilang mga indibidwal, bilang mga kasapi ng lipunan at bilang mga miyembro ng homeowners’ association. Kaya’t naisakatuparan ang Republic Act (R.A.) No. 9904 o ang “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations.” Ayon sa Sections 4(w) at 16 ng 2024 Revised Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas:
“Section 4. Definition of Terms. As used in this Revised Implementing Rules and Regulations, the following terms shall mean:
X X X
w. Delinquent member or Member not in good standing shall refer to a member who has been declared as such after due notice and hearing on the basis of the grounds and in accordance with the procedures set forth under the bylaws and/or existing policies of the association or, in lieu thereof, under these Rules.”
Section 16. Delinquent member or member not in good standing. A member may be declared delinquent or not in good standing by the Board of Directors on any of the following grounds:
Failure to pay at least three (3) cumulative monthly dues, fees and/ or other assessments despite repeated demands by the association;
A member who has been declared delinquent or not in good standing in accordance with the procedure in the succeeding Section is not entitled to exercise the rights of a member, except the right to inspect association books and records, but is nevertheless obliged to pay all fees, dues, and other assessments charged the members in good standing.
Ayon sa nasabing mga probisyon ng batas, ang “delinquent member” o “member not in good standing” ay isang miyembro na opisyal na idineklara ng homeowners’ association gaya ng nabanggit matapos siyang mabigyan ng abiso at pagkakataong magpaliwanag. Ang deklarasyong ito ay ibinabatay sa mga dahilan at alituntunin na nakasaad sa bylaws, mga umiiral na polisiya, o mga pamamaraang itinakda ng asosasyon alinsunod sa batas.
Kaugnay nito, ang isang miyembro ng homeowners’ association na idineklarang delinquent o member not in good standing ay hindi maaaring gamitin ang mga karapatan at pribilehiyo ng isang miyembrong nasa mabuting katayuan, maliban sa karapatang siyasatin ang mga libro at rekord ng asosasyon. Gayunman, obligado pa rin siyang bayaran ang lahat ng fees, dues, at iba pang assessments na ipinapataw sa mga miyembrong nasa good standing o mabuting katayuan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments