Pagpapalawig ng retirement age sa PNP, may benepisyo at kontrobersiya
- BULGAR

- May 29
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 29, 2026

Makakatulong nga ba sa seguridad ng publiko kung pahahabain pa ng isang taon ang pananatili sa serbisyo ng mga pulis, o dagdag-gastos lang ba ito sa gobyerno?
Ito ngayon ang sentro ng usapan matapos aprubahan ng Kamara ang panukalang itaas mula 56 hanggang 57 taong gulang ang mandatory retirement age ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). Magandang hakbang ito upang mapanatili ang beteranong karanasan sa hanay ng kapulisan, ngunit maaari rin itong makaapekto sa oportunidad ng mas batang opisyal na naghihintay ng promosyon at puwesto.
Sa botong 233 pabor, walang tumutol, at isang abstention, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 8702. Layunin nitong amyendahan ang Section 39 ng Republic Act 6975 o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990 upang itaas ang sapilitang edad ng pagreretiro ng mga pulis. Ayon sa mga may-akda ng panukala, napapanahon umano ang pagbabago dahil mas mapapakinabangan pa ng gobyerno ang ginastos sa pagsasanay at paghubog sa mga opisyal ng PNP.
Ipinaliwanag din ng kampo ng mga sumusuporta sa panukala na mahalagang mapanatili ang karanasan, kasanayan, at institutional knowledge ng matatagal nang pulis, lalo na sa mga sensitibong operasyon ng pagpapatupad ng batas. Naniniwala silang makatutulong ang dagdag na isang taon upang mapanatili ang katatagan ng liderato at maayos na transisyon sa loob ng organisasyon. Idiniin din na kaakibat ito ng pagpasa ng Republic Act 11939 noong 2023 na nagtaas din ng retirement age ng Armed Forces of the Philippines mula 56 hanggang 57.
Gayunman, hindi maiiwasang itanong ng publiko kung sapat ba ang dagdag na isang taon upang maramdaman ang mas ligtas na komunidad.
Mas mahalagang makita ang konkretong epekto sa peace and order, mas mabilis na responde sa krimen, at mas maayos na serbisyo sa mga komunidad. Hindi lamang edad ang sukatan ng epektibong kapulisan, kundi disiplina, integridad, at kakayahang sumabay sa modernong hamon ng seguridad.
Maaaring makatulong ang panukalang ito kung tunay na magagamit ang karanasan ng mga beteranong pulis para sa kapakanan ng publiko. Ngunit kasabay nito, kailangang tiyakin ng pamahalaan na hindi mapag-iiwanan ang mga batang opisyal na may bagong kakayahan at sariwang perspektiba sa serbisyo.





Comments