Pagluwag ng kalsada, senyales ng paglala ng krisis
- BULGAR

- Apr 17
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 17, 2026

Dulot ng tuluy-tuloy na pagmahal ng langis, unti-unting napipilitang magbago ng diskarte ang mga motorista at komyuter sa Metro Manila, at ramdam ito sa kahabaan ng EDSA kung saan nabawasan ang dami ng mga pribadong sasakyan na pumapasada.
Ang dating sobrang trapik ay tila nagiging maluwag na lansangan na para sa lahat.
Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bumaba ng 6.58 porsyento ang car volume sa EDSA sa pagitan ng Marso 2 hanggang Abril 6. Mula sa dating 225,002 sasakyan, naging 210,202 na lamang ito sa naturang panahon.
Ipinapakita nito na maraming may-ari ng kotse ang nagdesisyong bawasan ang paggamit ng sasakyan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Kasabay nito, tumaas naman ang bilang ng mga motorsiklong dumaraan sa pangunahing lansangan ng Metro Manila. Umakyat ito ng 4.27 porsiyento mula 194,974 tungo sa 203,301.
Nadagdagan din ang bilang ng mga bisikleta ng 6.36 porsiyento mula 1,273 patungong 1,354. Ibig sabihin, mas maraming Pinoy ang lumilipat sa mas murang alternatibo upang makatipid sa araw-araw na gastusin.
Ayon sa MMDA, positibo ito sa usapin ng traffic management dahil nababawasan ang siksikan sa kalsada at lumiit din ang konsumo sa gasolina. Totoo naman na mas tipid sa krudo ang motorsiklo kaysa malalaking sasakyan tulad ng SUV.
Ngunit sa likod nito ay isang masakit na katotohanan na hindi kusang pagbabago ito, kundi bunga ng panggigipit ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Napansin din ng MMDA na humahaba ang pila sa mga terminal at hintayan ng pampublikong sasakyan, lalo na tuwing rush hour. Patunay ito na mas maraming mamamayan ang napipilitang sumakay kaysa gumamit ng sariling sasakyan.
Kaya naman nakikipag-ugnayan ang ahensya sa Department of Transportation (DOTr) upang palakasin pa ang service contracting program na nagbibigay ng discounted fares sa mga pasahero.
Sa ganang akin, hindi sapat na sabihing gumagaan ang trapik kung kapalit naman nito ang dagdag-hirap sa pamasahe, pagod sa pila, at oras na nasasayang sa biyahe. Ang tunay na progreso ay hindi lamang maluwag na kalsada kundi maayos, mura, ligtas at mabilis na transportasyon.
Ang bawas-sasakyan sa EDSA ay hindi simpleng traffic success story. Isa itong malinaw na paalala na kapag tumataas ang presyo ng langis, direktang naaapektuhan ang galaw, trabaho at buhay ng bawat Pinoy.
Kung nais ng pamahalaan ng pangmatagalang solusyon, dapat tutukan hindi lang ang daloy ng trapiko kundi ang kabuhayan ng mga taong araw-araw na bumabyahe.





Comments