ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 13, 2025

Hindi lang basta ulan kundi buhos na animo’y bumubulwak ang milyun-milyong bukal sa langit. Medyo nakababahala ang tila galit na buhos ng ulan sa gitna ng mga larawang kumakalat sa napakalakas na pagragasa ng tubig ng ilog Guadalupe sa Texas noong nakaraang Hulyo 4, 2025.
Mahigit 100 na ang namamatay dahil sa biglang pagbaha at pagragasa ng tubig sa ilang bahagi ng Texas. Malaking bilang sa mga biktima ay mga bata at aabot na ng 200 ang nawawala. Kalat ang mga imahe ng labis-labis na tubig na pawang halimaw na walang makapipigil sa bangis at kalupitan.
Salamat sa social media, mabilis na kumalat ang iba’t ibang larawan ng tila galit at nakamamatay na tubig mula sa umapaw na ilog na umararo sa mga bahay, sasakyan, hayop, tao at anumang madaanan nito. Ngunit, hindi nito mapapantayan ang bangis at lupit ng tubig at hangin ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Nasa 6,300 ang patay at 28 libo ang nasaktan at libu-libong bahay, gusali, tulay at mga mahahalagang istraktura ang pinadapa, pinatag na parang karton.
Ang mga tanong sa mga nabanggit na sakuna, “Bakit hindi mas maagang nakapagbigay ng babala sa madla ang mga ahensyang inaasahan?”
Sa kaso ng malaking baha sa Texas, pinagbibintangan ang programa ng pagkakaltas ng pondo sa iba’t ibang ahensya na isinasagawa ng administrasyong Trump. Maaalala rin kung paano lumutang ang kahawig na tanong nang humupa na ang hangin at ulan ng ‘Yolanda’. “Bakit hindi nagbigay ng mas maagang babala para nakalikas ang mga nasa mapanganib na lugar?
Bumangon na ang maraming bahagi ng Kabisayaang naapektuhan ng ‘Yolanda’. Ilang ulit na rin tayong nakadalaw sa Tacloban at namangha sa pag-ahon nito pagkaraan ng ilang taon. Walang-wala nang tanda ng bagsik at kalupitan ng ‘Yolanda’ maski saan. Kaya’t ilang taon na ring lumutang ang salitang “resilience” o katatagan na ikinakabit ng marami sa mga mamamayang Pinoy. Subalit hindi nagtagal at umani ng batikos ang naturang paghanga sa “resilience” o katatagan ng mga Pinoy.
Mabuti na lang at mabilis tayong tumayo at makabawi, at kaya siguro saka na lang pagsisikapan ng gobyerno na gawin ang dapat nilang gawin, tungkulin at pananagutan nito sa buong bayan.
Pansin ba natin ang maraming kakaibang pagpaparamdam at pagpapakilala ng “nagbagong kalikasan”? Nagbagong kalikasan! Hindi bago at nakatutuwa, kundi bago at nakakatakot dahil sobra, labis sumira at pumatay ang kanyang bangis at kalupitan. Ang dating kaibigan, kapatid, kakamping kalikasan ay madalas nang nagiging katunggali.
Pansin na ng lahat ang sobrang init mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Gayundin, kung paano bumagsak ang ulan, ang malalaking patak na kung magsama-sama ay parang balde-baldeng sabay-sabay isinasaboy sa lahat ng dako.
Pansin na ng lahat ang pagtaas ng tubig sa maraming bahagi ng mga bayan at siyudad.
Pansin din ang pagbaba ng antas ng kalusugan, ang pagkalat ng mga sakit at ang kakulangan ng kakayahan at kahandaan ng pamahalaan na protektahan at tulungan ang taumbayan.
Iniulat ng mga kaibigan nating doktor ang pagbalik ng tuberculosis sa ating bansa. Bago nagpandemya, nasugpo na ang TB. Anong nangyari’t bumalik ito?
Pansin ng lahat at ng pamahalaan ngunit ano ang nagbago sa tao o sa pamahalaan? At ito nga ang problema. Narito na ang Nag-‘Bagong Kalikasan’, bunga ng hindi nagbabagong tao o mamamayan.
Nang matuklasan ng tao ang mas mabilis at mabisang pag-angkat, pagkuha’t paggamit ng likas-yaman, sa halip na bantayan at pigilan ang sarili, naging ‘pakawala’ o lubhang abusado ito.
Tubig, tubig, sobrang tubig ngayong tag-ulan. Init, init, sobrang init noong nakaraang tag-init. Sakit, sakit, sobra’t nakamamatay na sakit noong nakaraang pandemya. Gutom, gutom, sobrang gutom sa buong mundo. Giyera, giyera, labanan sa maraming bahagi ng mundo. Nagbago ba talaga ang kalikasan o nagbabago lang ang kanyang pakikitungo sa taong hindi marunong makitungo sa kanya?
Saan ba nakatuon ang karamihan sa mundo? Tinitingnan, pinag-aaralan ba natin ang mga nangyari na, patuloy na nangyayari at posibleng mangyari?
Tubig, init, umuunting likas-yaman, pagkain, at marami pang sangkap na bumubuhay sa lahat na hindi lang umuunti kundi nawawala na.
Sa puntong ito, muling bumabalik ang matanda nang papel ng kalikasan. Kalikasan bilang guro para sa taong pasaway at matigas ang ulo.
Tama na taong pasaway, bulag at matigas ang ulo. Tara na’t makinig, matuto, magbago sa itinuturo ng kakaibang guro, na may kakaibang turo -- ang Gurong Kalikasan!