Aprubadong TNVS fare hike, ipatupad nang tama

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 3, 2026

Sa bawat biyahe ng TNVS, hindi lang oras at serbisyo ang puhunan kundi pati gasolina, maintenance at pagod ng drayber. Kaya kapag may aprubadong dagdag-pasahe pero hindi ito naipapatupad nang maayos sa ilang ride-hailing platforms, ang unang naaapektuhan ay ang mga drayber na sariling bulsa ang ginagamit para mapatakbo ang kanilang sasakyan.
Inaprubahan ng pamahalaan ang bagong base fare para sa Transport Network Vehicle Service o TNVS. Para sa sedan, naging P65 mula P45 ang base fare; P75 mula P55 para sa AUV/SUV; P55 mula P35 para sa hatchback; habang P165 mula P145 naman para sa premium TNVS.
Gayunman, nakatanggap ng mga reklamo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa ilang Transport Network Companies (TNCs) na hindi pa agad nagpapatupad ng bagong pasahe. Dahil dito, pinadalhan ng show-cause orders ang 19 TNCs at inatasang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang accreditation. Itinakda ang pagdinig sa Oktubre 7.
Mahalagang tingnan ang usaping ito hindi lamang bilang pagbabago sa presyo ng biyahe kundi bilang usapin ng patas na kita para sa mga drayber. Sila ang gumagastos para sa gasolina o diesel at sila rin ang sumasagot sa maintenance at iba pang gastusin sa sasakyan. Kapag hindi naipapatupad ang aprubadong fare adjustment, maaaring lumiit ang kinikita nila habang patuloy na tumataas ang kanilang operational expenses.
Totoong mahalaga rin ang kapakanan ng mga komyuter dahil bawat dagdag-pasahe ay dagdag-gastos sa araw-araw na pagpasok sa trabaho, paaralan at iba pang gawain. Pero hindi rin makatarungan na ang affordability ng pamasahe ay maabot sa paraang mismong drayber ang kinakapos.
May panahon para sa technical adjustment sa sistema ng mga TNC, lalo na kung kinakailangang baguhin ang kanilang apps at fare computation. Pero kailangang maging maagap at malinaw ang pagpapatupad upang hindi malito ang parehong drayber at pasahero.
Ang isang patas na sistema ng pampasaherong transportasyon ay dapat parehong kumikilala sa kakayahan ng komyuter na magbayad at sa karapatan ng drayber na kumita nang maayos. Hindi dapat maging kompetisyon sa pagitan ng TNCs ang kapalit ay lugi ng mga drayber.
Ang fare hike ay hindi simpleng dagdag-presyo. Para sa isang drayber na buong araw na nasa kalsada, maaari itong maging dagdag-kita na kailangan upang mairaos ang araw-araw na gastusin. Para sa mga komyuter, kailangan naman itong ipatupad nang malinaw at maayos. Sa parehong panig, ang dapat manaig ay patas na serbisyo at makatarungang kabuhayan.





Comments