ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 5, 2025

Matindi ngayon ang atensyon ng buong mundo sa papalapit na “conclave” (con clave o may susi sa Latin), ang proseso ng pagpili ng susunod na Santo Papa.
Ganoon na lang ang interes sa pagpili ng susunod na pope dahil na rin sa iniwang pamana (legacy) ni Papa Francisco. Napakayaman, punumpuno ng kabuluhan ang 12 taon ng paglilingkod ng yumaong Pope Francis na laging nakabantay at interesado sa mga nagaganap sa mundo at ang epekto nito sa tao, lipunan, kalikasan at ang mga haligi na kinatatayuan ng kabihasnan mula katotohanan, katarungan, kapayapaan at ang dangal ng bawat indibidwal na galing sa pagiging mga anak ng Diyos.
Sa gitna ng usapin ng susunod na Santo Papa ay ang malalim at banal na katotohanan tungkol sa mismong kalikasan nito. Ito ba ay isang propesyon tulad ng iba’t ibang propesyong pinipili ng tao -- doktor, arkitekto, abogado, guro, sundalo o pulitiko? Oo, dahil gaya anumang propesyon, maingat na pinipili at pinagdaraanan ang paghuhubog ng kandidato sa pagiging pope. Mula sa pagiging seminarista hanggang maging pari, obispo, kardinal at sa huli ang pagiging Santo Papa.
Nang mga unang buwan ni Papa Francisco, narinig itong inirereklamo ang mga “karerista” (careerist) sa simbahan.
Noong Hunyo 6, 2013 nagsalita si Pope Francis sa mga estudyante ng Academia sa Roma. Nag-aaral sa Academia ang mga nagiging mga “Nuncio” o opisyal na kinatawan ng Papa, mga kinikilalang “Ambassadors” ng Batikano sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Sinabi niya, “Careerism is a leprosy. All types of priestly ministry require ‘great inner freedom,’ which calls for vigilance in order to be free from ambition or personal aims, which cause so much harm to the church”.
Malapit na ang midterm election, sa susunod na Lunes, Mayo 12, 2025, maghahalal na naman ng mga senador, kongresista, partylist representatives, mayor at mga konsehal. Mahalaga ring isipin ng lahat ang sinabi ng yumaong Papa Francisco tungkol sa ‘ketong ng karerismo’.
Hindi pari ang mga pulitiko ngunit maaari nating sabihin na hindi rin propesyon kundi bokasyon ang pagiging pulitiko.
Hindi hanapbuhay ang pagtakbo para sa puwesto sa pamahalaan. Kung totoo ang bukambibig ng lahat ng kandidato ngayon, malinaw na hindi hanapbuhay, hindi pagkakaperahan ang kanilang pagtakbo sa pulitika.
Paulit-ulit nang narinig ng lahat sa mga miting de abanse: “Trabaho para sa lahat! Pagkain sa bawat hapag! Kalinisan at kaayusan sa lahat ng lugar! Libreng pag-aaral para sa lahat ng bata! Libreng pakonsulta at gamot sa lahat ng seniors! Tuloy ang 4Ps!” At meron pang mga mahiwagang pangako tulad ng: “May agimat ang lahat! Iboto ang anak ko, mukha ng bagong pulitika! Isumbong mo kay sen at maaayos ang lahat! Ibotong straight at magbabago ang lahat! Ibalik siya at babalik ang nawalang kapayapaan at kaayusan!”
Sino sa mga kandidato ang nagsasabi ng totoo? Sino sa kanila ang mapagkakatiwalaan? Madali namang mabatid ang sagot dito. Alamin lang kung sino sa muling tatakbo ang yumaman at malinaw na nagpayaman noong siya ay nanunungkulan. Malinaw ang halos walang ginawa kundi nagpapogi o nagpapaganda lamang.
Maliwanag din kung sino ang tunay na naglingkod at hindi nangurakot. Simple ngunit lantad ang katotohanan sa sinabi ng isang pulitiko na kung sino ang malaki ang ginastos sa halalan, tiyak siya rin ay babawi.
Sa darating na Miyerkules, Mayo 7, 2025, papasok sa Sistine Chapel sa Roma ang mahigit-kumulang 135 na Cardinal. Isasagawa nila nang lihim ang “conclave” ang pagpili ng susunod na Santo Papa.
Lihim, walang kampanya, walang mga poster at tarpaulin. Walang “paid ad sa radyo, diyaryo, telebisyon at social media.” Walang pakain, pa-T-shirt, palabas, pa-bayle at walang pabaon.
Kaylayo sa karaniwang galaw ng mundo ang pagpili ng susunod na pope. Napakalayo sa halalan sa ating bansa. Naglipana ang mga poster ng mga kandidato at napakaraming mga parade at motorcade.
Hindi naman lahat ng kandidato sa anumang puwesto ay maaaring may ‘ketong ng karerismo’ (careerism is a leprosy). Mayroong malinis at totoo ang paghahangad na maglingkod, baguhin, pagandahin ang takbo ng luma at bulok na sistema ng pulitika sa bansa. Mayroong tumutugon sa bokasyon, sa banal na tawag mula sa Diyos na maglingkod ng totoo at hindi maghangad lang ng posisyon at yaman.
Isang linggo pa bago ang eleksyon, mahalagang manahimik, taimtim na manalangin at tanungin natin ang Diyos, “Sino po Panginoon ang totoo, ang may bokasyon na tunay na maglingkod at hindi lang gagamitin ang posisyon para sa sarili at sa pamilya kundi para sa kapwa, sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Sino po Panginoon ang gusto Ninyo, ang alam Ninyong makakabuti, makakatulong sa pagbabago at pagbuti ng lahat, ng mga namumuno, ng paraan ng pamamahala sampu ng pananaw at pag-uugali ng bawat mamamayan!” Amen.