top of page
Faith Da Silva at Sam Verzosa - IG.jpg

Pagkakaisa sa Senado, dapat para sa Pilipino hindi sa pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 23, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kung matatag nga ba ang mayorya sa Senado, hindi ba’t mas mahalagang malaman ng taumbayan kung paano ito makaaapekto sa mga batas at serbisyong matagal nang hinihintay ng mamamayan? 


Sa gitna ng usapin sa bagong hanay ng kapangyarihan sa Senado, tila hindi lang simpleng pulitika ang nakataya kundi maging ang direksyon ng mga panukalang batas na direktang sasalo sa pang-araw-araw na suliranin ng mga Pilipino. Kung tunay ngang buo at matatag ang majority bloc, marapat lamang na makita ito hindi sa mga pahayag kundi sa konkretong aksyon at mabilis na paggawa ng batas para sa kapakanan ng publiko.


Kampante si Senador Imee Marcos sa katatagan ng bagong majority bloc sa Senado, kasunod ng mga usapin hinggil sa posibleng pagkawatak-watak ng alyansa matapos ang pagbabago sa liderato ng kapulungan. Bilang chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, tiniyak ng senador na nananatiling buo ang suporta ng 13 miyembro ng mayorya, kahit pa umano may mga pagtatangkang impluwensyahan o guluhin ang kanilang hanay.


Sa isang panayam, iginiit ni Marcos na nananatiling solid ang grupo mahigit isang linggo matapos mabuo ang bagong majority bloc noong Mayo 13. Ang naturang alyansa ang naging daan upang mahalal bilang Senate President si Allan Peter Cayetano, isang malaking pagbabago sa political landscape ng Senado.


Bagama’t umusbong ang mga haka-haka hinggil sa posibilidad ng pagkakaroon ng “maghuhudas” o miyembrong maaaring kumalas sa grupo, pinawi ito ni Marcos at sinabing walang indikasyon ng pagtalikod sa kasalukuyang mayorya. Inamin din niyang patuloy na may mga paglapit at pakikipag-usap sa ilang senador upang hikayatin silang lumipat ng alyansa, subalit nananatili umanong matibay ang kanilang samahan.


Kapansin-pansin ding nabawasan agad ang bilang ng mga kaalyado matapos mawala sa majority bloc si Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng matagumpay na leadership change, bagay na lalong nagpatingkad sa usapin ng political loyalty sa loob ng Senado.


Sa ganang akin, higit na mahalaga kung paano gagamitin ng bagong mayorya ang kanilang impluwensya upang itulak ang mahahalagang panukala—mula sa presyo ng bilihin, trabaho, edukasyon, kalusugan, hanggang sa seguridad ng bansa. Hindi sapat ang pagiging matatag kung mananatili lamang ito sa usaping pampulitika at hindi mararamdaman sa tunay na buhay ng mga Pilipino.


Ang tunay na sukatan ng isang matibay na majority bloc ay hindi kung gaano ito katagal mananatiling buo, kundi kung gaano ito magiging epektibo sa paglikha ng mga polisiyang magpapagaan sa buhay ng ordinaryong mamamayan. Sa politika, madaling bumuo ng alyansa, ngunit mas mahirap patunayang ang pagkakaisang iyon ay para sa bayan at hindi lamang para sa kapangyarihan. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page