Pagdalo sa binyagan, nauwi sa pananaksak at kamatayan
- BULGAR

- 8 hours ago
- 5 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | September 5, 2026
ISSUE #411
Walang pinipiling oras ang krimen. Iyan ang isa sa mga nakalulungkot na reyalidad sa ating lipunan.
Araw-araw na lamang nating nababasa, naririnig at nababalitaan na may mga taong nakararanas ng marahas na kapinsalaan. Ang higit pang nakalulungkot, kadalasan, ang mga biktima ay walang anumang ginawa na maaaring maging dahilan upang sila ay masadlak sa karahasan, at madalas, sila pa ang mga pawang walang kalaban-laban.
Tulad na lamang nina Novo at Mark, mga biktima sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Allan Gere y Arquiza (Criminal Case Nos. 1644 and 884-14-322, April 18, 2007). Dadalo lamang sana sila sa isang binyagan, subalit ang kanilang buhay ay nalagay sa labis na kapahamakan. Ano nga ba ang nangyari sa kanila? Nakamit nga ba nila ang katarungan? Ang kanilang kuwento ay sama-sama nating subaybayan.
Sina Novo at Mark, kasama sina Marvin at Neil, ay nasa tawiran ng daang-bayan sa Aloran, Misamis Occidental, bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-16 ng Oktubre 2003, naghihintay ng masasakyan patungo sa Oroquieta City. Nakatakda silang dumalo sa salu-salo para sa isang binyagan.
Diumano, may dalawang taong dumaan sa kanilang harapan, ang isa ay si Cocoy, at ang kasama umano nito ay bigla na lamang lumingon, sinuntok si Mark at sinaksak ng kutsilyo sa likod. Hindi na umano nakapanlaban pa si Mark.
Batay sa testimonya ni Marvin, dalawang dipa lamang ang layo niya kay Mark at sa salarin. Matapos ang ginawang pananalakay kay Mark, sinugod naman diumano ng salarin si Novo at sinaksak ito sa dibdib. Sinubukan diumano ni Mark na tumakbo patungo sa direksiyon ng bahay ng Kapitan ng barangay upang humingi ng saklolo, ngunit hinabol siya ng salarin at muling sinaksak sa likuran.
Diumano, madilim noong gabing iyon at walang hawak na pang-ilaw si Marvin. Nakuha lamang umano niya ang flashlight ng salarin matapos ang insidente ng pananaksak.
Maging siya umano ay hinabol din ng salarin at sa puntong iyon lamang niya nailawan ang mukha ng salarin at naaninagan ang itsura nito. Nakaligtas lamang diumano si Marvin dahil nakapagtago siya sa taniman ng lanzones.
Noong makalabas diumano siya sa kanyang pinagtaguan, tumambad sa kanya ang wala nang buhay na katawan ni Novo, habang si Mark naman ay nakita niya na isinakay na sa sasakyang pang-pulis at itinakbo sa ospital.Batay sa testimonya ni Mark, hindi niya kilala ang nabanggit na dalawang tao na dumaan sa kanilang harapan habang sila ay naghihintay ng masasakyan noong gabing iyon.
Kaya laking gulat na lamang umano niya nang siya ay suntukin at saksakin ng isa sa mga ito. Madilim diumano, kung kaya’t hindi niya nakilala kung sino ang dalawang iyon.
Tumakbo umano papunta kay Novo ang taong sumaksak sa kanya at sinaksak din si Novo. Dali-dali umano siyang nagpunta sa bahay ng Kapitan ng barangay ngunit wala ito roon, at isang nagngangalang Alice ang tumawag sa himpilan ng pulis upang humingi ng saklolo. Pagkarating ng mga pulis ay agad siyang dinala sa ospital.
Batay naman sa testimonya ni SPO3 Cawit ng Aloran Police Station, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag ukol sa isang insidente ng pananaksak. Pagkarating nila sa pinangyarihan ng insidente, natagpuan nila na sugatan si Mark, kung kaya’t dinala nila ito sa pagamutan.
Si Mark diumano ang nagsabi sa kanila na ang kasama ni Cocoy ang salarin sa pananalakay. Diumano, pagbalik nina SPO3 Cawit sa pinangyarihan ng insidente ay natagpuan nila na nakahandusay ang katawan ni Novo sa kanal. Dinala pa umano nila si Novo sa pagamutan, ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Nakita rin umano nila, SPO3 Cawit, noong gabing iyon si Cocoy at ipinaalam sa kanila na si Allan ang kasama niya noong naganap ang malagim na insidente. Dagdag pa ni SPO3 Cawit, berbal na inamin diumano ni Allan na siya ang may-akda ng pananalakay at pananaksak kina Novo at Mark.
Pinagsamang Murder at Frustrated Murder ang inihain laban kay Allan sa Regional Trial Court (RTC) ng Oroquieta, Misamis Occidental.Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan J.T.J. Chiong ng PAO-Oroquieta, Misamis Occidental, mariing itinanggi at pinabulaanan ni Allan ang mga paratang laban sa kanya. Giit pa ng Depensa, hindi lubos na napatunayan ng ebidensya ng Tagausig na si Allan ang salarin sa mga krimen.
Nangangalap lamang diumano ng ebidensya ang mga pulis. Batay sa testimonya ng saksi para sa Depensa na si Carlito, inimbitahan siya ng mga pulis sa himpilan noong gabi matapos na maganap ang malagim na insidente.
Tinanong diumano siya kung nasaan siya noong nagaganap ang pananaksak kay Novo pati na ng iba pang mga impormasyon kaugnay sa pagkamatay ng nasabing biktima. Pinauwi rin umano siya noong gabing iyon, at nalaman na lamang niya kinabukasan na inaresto na si Allan.
Matapos ang maingat na pag-aaral ng mga ebidensya at tala ng mga kaso na inihain laban kay Allan, isang bagay ang naging malinaw sa hukuman ng paglilitis – walang nakasaksi kung sino ang sumalakay kina Mark at Novo at ang pumaslang sa huli. Bagaman inialok ang testimonya ni Marvin bilang ebidensya para sa pag-uusig, hindi sumapat para sa hukuman ng paglilitis ang naturang testimonya sa pagtataguyod ng pagkakasala ni Allan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na hindi nagkakatugma ang pahayag ng mga saksi para sa Tagausig. Mayroong pahayag si Marvin na nakita niya na sinuntok at sinaksak diumano ni Allan si Mark at na bumaling si Allan kay Novo at sinaksak din ang huli. Subalit, ipinahayag niya rin na madilim noong gabing iyon at wala siyang flashlight habang nagaganap ang pananaksak.
Hindi umano niya nakita ang mukha ng salarin o nakilala ito bunsod ng madilim na kapaligiran. Makailang-ulit din na ipinahayag ni Marvin na nakuha lamang niya ang flashlight matapos na masaksak ang dalawang biktima. Ayon din sa testimonya ni Marvin, nakita niya na sinuntok ni Allan si Mark at na noong gaganti na ang huli ay dalawang beses na sinaksak ni Allan si Mark sa likurang bahagi ng katawan nito.
Taliwas ito sa naging testimonya ni Mark na isang beses lamang diumano siya nasaksak sa kanyang likod. Para din sa hukuman ng paglilitis, kung totoo na sinuntok muna ni Allan si Mark ay dapat sa harap na bahagi ng katawan nasaksak ang huli.
Ang mga pagkakasalungat ng mga nasabing testimonya ay lubhang nagdulot ng pagdududa sa isipan ng hukuman ng paglilitis kaugnay sa partisipasyon ni Allan sa mga krimen na ipinaparatang sa kanya.
Pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis, mahigpit na itinakda sa ating batas ang panuntunan ng pagpiprisinta ng ebidensya nang higit pa sa makatuwirang pagdududa bago mahatulan ng may sala ang sinuman sa anumang krimen. Kung hindi maitaguyod ng Tagausig nang walang pag-aalinlangan ang pagkakasala ng nasasakdal, mananatili ang pagpapalagay sa kanya na walang sala.
Sa mga kaso na inihain laban kay Allan, hindi nakumbinsi ang RTC Oroquieta, Misamis Occidental na naitaguyod ng panig ng Tagausig ang pagkakasala ni Allan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Kung kaya’t, hatol ng pagpapawalang-sala ang iginawad sa kanya.
Ang nasabing Desisyon ng RTC ay nilagdaan noong ika-18 ng Abril 2007. Hindi na inapela o kinuwestyon pa ang nasabing desisyon ng hukuman.
Isa na namang pagpapaalala sa atin ang kuwento sa araw na ito: upang mapanagot ang pinaghihinalaang salarin ay kailangan ang pagkakakilanlan nito ay lubos na tukuyin.
Sadyang mahirap para sa mga biktima na makamit ang ganap na hustisya kung lubhang mayroong pagkukulang sa ebidensya.
Nawa, sa mga lumipas na taon ay nagawa nang matukoy nang may kasiguruhan kung sino ang totoong naglagay kay Mark sa labis na kapahamakan, at kay Novo, sa kanyang kamatayan.




Comments