Pagdadalamhati ng pet owners, huwag samantalahin

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November2, 2026

Masakit isipin na ang mga alagang hayop na itinuring na bahagi ng pamilya ay maaari palang mawalan ng marangal na pamamaalam dahil sa kapabayaan at panlilinlang ng isang serbisyong pinagkatiwalaan ng kanilang mga nag-aalaga.
Sa halip na mabigyan ng maayos na cremation, iniulat na ang mga labi ng 29 aso at pusa ay basta na lamang itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.
Hindi lamang ito usapin ng hindi maayos na pagtatapon ng mga patay na hayop. Mas mabigat ang posibilidad na niloko ang mga pet owner na nagbayad para sa cremation, sa paniniwalang maayos na isinagawa ang serbisyong ipinagkatiwala nila sa isang pet aftercare facility na nakabase sa Bacoor City, Cavite.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), maaaring pumasok sa kasong estafa by means of deceit ang insidente sa ilalim ng Article 315(2)(a) ng Revised Penal Code. Bagama’t hindi direktang saklaw ng Animal Welfare Act ang naturang pangyayari dahil patay na ang mga hayop nang i-turn over sa pasilidad, maaari pa ring managot ang sinumang mapatutunayang nanloko at tumanggap ng bayad para sa serbisyong hindi naman isinagawa.
Hinikayat ng grupo ang mga apektadong pet owner na magsampa ng reklamo at ingatan ang mga mahahalagang ebidensiya gaya ng resibo, cremation certificate, palitan ng mensahe at mga litrato. Mahalaga ring magsama-sama ang mga nagrereklamo upang mas malinaw na maipakita ang lawak ng umano’y panlilinlang at mapigilan ang pag-ulit nito sa ibang pamilya.
Iniutos na rin ang pagsasara ng naturang pasilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nagsimula ang kontrobersiya matapos makita ng ilang residente ang isang puting van na may sakay na mga hindi nakilalang indibidwal na umano’y nagbaba ng pitong malalaking sako na naglalaman ng mga patay na aso at pusa sa Barangay Minuyan Proper noong Oktubre 29.
Nanawagan din ang PAWS sa lokal na pamahalaan ng Bacoor na siyasatin kung may kinakailangang permit ang pasilidad at kung nilabag ang mga patakaran sa sanitasyon, pangangalaga sa kapaligiran at lokal na regulasyon. Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon, habang wala pang inilalabas na pahayag ang naturang crematorium.
Dapat seryosohin ang insidenteng ito dahil hindi biro ang tiwalang ibinibigay ng mga pamilya sa mga negosyong nangangakong mag-aalaga sa labi ng kanilang minamahal na alagang hayop. Hindi man tao ang mga ito, bahagi sila ng buhay ng maraming pamilya at karapat-dapat ding tratuhin nang may dignidad kahit sa kanilang huling sandali.
Hindi dapat samantalahin ang pagluluksa ng mga tao para kumita. Kung mapatutunayang may panlilinlang, kailangang managot ang mga sangkot at mabigyan ng hustisya ang mga pamilyang nawalan hindi lamang ng alaga, kundi pati ng pagkakataong maihatid sila sa marangal na pamamaalam. Ang serbisyong ipinagkakatiwala sa panahon ng pagdadalamhati ay dapat may malasakit, katapatan at pananagutan.





Comments