Pagbibisikleta, mas praktikal para makatipid sa gasolina
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 10, 2026

Tiyakin sana ng pamahalaan na hindi lang puro plano ang pagbibisikleta—kundi konkretong aksyon na mararamdaman ng mga ordinaryong Pinoy sa kalsada araw-araw.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, malinaw na hindi na sapat ang pag-asa sa tradisyunal na transportasyon; kailangan ng alternatibong abot-kaya, ligtas, at pangmatagalan.
Kaya naman, isinusulong na layong gawing institusyonal ang pagbibisikleta bilang pangunahing paraan ng transportasyon.
Napapanahon umano ang panukalang ito lalo na’t ramdam ng publiko ang bigat ng gastos sa krudo. Bukod sa pagtitipid, binibigyang-diin din ng panukala ang ambag nito sa kalikasan at sa pagbawas ng pagdepende ng bansa sa inaangkat na langis.
Hindi na bago ang ideya ng pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon.
Naging popular ito noong kasagsagan ng pandemya nang limitado ang pampublikong sasakyan. Maraming manggagawa ang napilitang magbisikleta upang makapasok sa trabaho.
Ngunit kahit lumawak ang interes ng publiko, nananatiling kulang ang imprastruktura—lalo na sa makikitid na kalsada kung saan halos walang espasyo para sa bike lanes.
Nilalayon ng panukala na tugunan ang problemang ito sa pamamagitan ng isang komprehensibong pambansang programa.
Inaatasan ang mga ahensya tulad ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglatag ng malinaw na plano para sa pagtatayo at pagpapanatili ng bike lanes, parking spaces, at iba pang pasilidad.
Kasama rin dito ang pagbuo ng pamantayan para sa kaligtasan ng mga siklista at proteksyon sa kanilang karapatan sa kalsada.
Hinihikayat din ang pribadong sektor na makiisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tax incentives sa mga kumpanyang maglalaan ng bike-friendly facilities gaya ng shower rooms at lockers. Ito ay hakbang upang gawing praktikal at komportable ang pagbibisikleta para sa mga empleyado.
Sa gitna ng oil crisis na nagtulak sa presyo ng diesel sa humigit-kumulang P170 kada litro at gasolina sa halos P120, malinaw na hindi na sustainable ang kasalukuyang sistema ng transportasyon.
Ang pagbibisikleta ay hindi lamang alternatibo—ito ay posibleng maging bahagi ng pangmatagalang solusyon.
Dapat hindi lang pagpasa ng batas ang mangyari, kundi ang epektibong pagpapatupad nito.
Kung seryoso ang gobyerno sa pagbibigay-ginhawa sa mamamayan, dapat nitong tiyakin na ang mga kalsada ay hindi lang para sa sasakyan kundi para sa lahat.
Ang pagbibisikleta ay hindi luho—ito ay karapatan, at higit sa lahat, isang praktikal na hakbang tungo sa mas inklusibo at makataong sistema ng transportasyon.




Comments