top of page
BIDA - CLAUDIA, PINAPAPALITAN NG BARRETTO ANG APELYIDO-IG _claudia & _dennisastig.jpg

Palakasin ang Pilipino sa larangan ng sports

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 28
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 28, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Sa bawat pagkakataon na may makakatulong sa pagpapalakas ng ating national sports program, tulad na lang ng basketball na mahal na mahal ng mga Pilipino, naipaparamdam natin ang malawak na suporta sa ating mga atleta at kabataan.


Kaya ikinagagalak ko ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12318 na nagkaloob ng Philippine citizenship kay Maodo “Malick” Diouf, at Republic Act No. 12319 para naman kay Elizabeth Jeanette Means. Dahil sa mga batas na ito, pormal na nating ibinibigay sa dalawang atleta ang pagkakataong maging bahagi ng bansa sa pamamagitan ng sports.


Ako po ay isa sa mga authors at co-sponsor ng dalawang batas na ito. Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, naniniwala ako na kung may atleta na may kakayahan, disiplina, at pusong maglaro para sa Pilipinas, dapat nating bigyan ng pagkakataon na makatulong sa ating national team.


Para sa akin, basta makakatulong sa ating bansa at sa ating mga atleta, dapat nating suportahan. Ang mahalaga, puso ang dala sa paglalaro para sa Pilipinas.


Si Diouf ay isang Senegal-born center na dating naglaro para sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons. Naging bahagi siya ng koponan nang magkampeon ang UP sa University in Athletic Association of the Philippines (UAAP) men's basketball noong 2022. Siya rin ay tinitingnan para sa ating 3x3 basketball program.


Si Means naman ay isang American forward na dating naglaro para sa Westminster University at inaasahang magiging bahagi ng pool ng Gilas Pilipinas Women. Sa tulong ng kanilang talento at karanasan, mas mapapalawak pa ang pagpipilian ng ating mga sports officials para sa mga susunod na international competition, alinsunod pa rin sa umiiral na rules at selection process.


Sa tulong ng kapwa kong mga mambabatas at ng buong sports community, sisikapin natin ang tuluy-tuloy na pagpapalakas sa grassroots sports hanggang sa national level. Patuloy kong isusulong ang mga programa at panukalang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa ating kabataan at atleta.


Isa rin sa mga patuloy nating isinusulong ay ang pagpapalawak ng National Academy of Sports (NAS), na naitatag sa ilalim ng Republic Act No. 11470, na aking inakda at co-sponsored. Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 171, o ang panukalang National Academy of Sports Regional Expansion Act of 2025, layunin nating magkaroon ng mga regional NAS campuses sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Visayas at Mindanao, upang mas maraming kabataang atleta ang mabigyan ng dekalidad na edukasyon, full scholarship, at mas maayos na training habang hinuhubog ang kanilang talento sa sports.


Bilang isa ring atleta, naniniwala ako na kung magtutulungan ang lahat ng sektor sa pagsuporta sa ating national athletes, kayang-kaya nilang mag-uwi ng maraming medalya mula sa iba’t ibang international competitions. Pangarap ko po na muling maitanghal ang Pilipinas bilang sports powerhouse sa buong Asya. Kaya ngayon pa lang, ang payo ko sa ating mga kabataan: Get into sports, stay away from drugs, to keep us healthy and fit!


Samantala, noong May 21, nagpaabot din tayo ng tulong sa 71 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Putatan, Muntinlupa City. Kinilala rin natin ang mga lokal na opisyal, lalo na sina Vice Mayor Stephanie Teves, Barangay Putatan Captain Gerry Teves, at Barangay Alabang Captain Tintin Abas-Ding. 


Bukod dito, noong nakaraang linggo, nakiisa tayo sa 37th Regional Emergency Assistance Communication Team (REACT) National Convention sa San Jose Resort sa Davao City. Mahalaga ang ganitong pagtitipon dahil 


Sa mabilis na komunikasyon, maayos na koordinasyon, at kahandaan sa oras ng sakuna ay malaking bahagi ng pagliligtas ng buhay at pagtulong sa ating mga kababayan.


Tinulungan din ng ating team ang mga kababayan nating nangangailangan, kabilang ang mga biktima ng sunog sa Valenzuela City; Sara, Iloilo; Cebu City; Zamboanga City; Cagayan de Oro City; at Caloocan City.


Nakatanggap din ng tulong mula sa ating team ang mga biktima ng sunog sa Biñan City, Laguna; at Brgy. Putatan, Muntinlupa City, gayundin ng karagdagang assistance mula sa pamahalaan para sa pagbili ng construction materials na magagamit sa muling pagpapatayo ng kanilang mga tahanan.


Samantala, dinaluhan din ng ating team ang inauguration ng Super Health Center sa Lavezares, Northern Samar. Namahagi rin tayo ng grocery packs sa mga barangay health workers sa lugar. Patuloy nating isinusulong ang pagpapalakas ng primary healthcare sa mga komunidad upang mas mailapit sa ating mga kababayan ang serbisyong medikal na kailangan nila.


Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa sambayanang Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page