Pagbibiro tungkol sa organ transplant para makabili ng concert ticket, nakakabahala
- BULGAR

- Jun 12
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 12, 2026

Sa paggunita ng Araw ng Kalayaan, malaya nga ba tayong magbiro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa buhay ng tao, o tuluyan nang nawawala ang limitasyon ng respeto sa panahon ng viral content?
Nakakabahala na sa gitna ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, tila nagiging normal ang pagpapatawa gamit ang sensitibong usapin tulad ng pagbebenta ng kidney kapalit ng concert tickets—isang biro na para sa marami ay simpleng katuwaan lamang, pero para sa ilan ay mas malalim ang epekto.
Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Society of Nephrology Inc. (PSN), isang samahan ng mga doktor at tagapagtaguyod ng etikal na organ donation at transplantation, kaugnay ng mga social media post na tila ipinapakita na maaaring ipagpalit o ibenta ang kidney para lamang makakuha ng ticket sa concert. Ayon sa grupo, bagama’t posibleng ginawa ito bilang katatawanan, seryosong usapin ang organ trafficking at komersyalisasyon ng bahagi ng katawan ng tao dahil maaari nitong maapektuhan ang mga mahihirap at madaling maloko o mapagsamantalahan.
Binigyang-diin ng PSN na ang ganitong klase ng pagpapakita sa social media ay maaaring magmukhang normal ang isang ilegal at hindi makataong gawain. Hindi lamang nito nababawasan ang halaga ng organ donation, kundi maaari rin nitong maliitin ang dignidad ng buhay ng tao. Ipinaalala rin ng samahan na ang organ donation ay isang makatao at nakapagliligtas-buhay na hakbang na dapat tratuhin nang may respeto at responsibilidad.
Mahalagang maintindihan ng taumbayan na hindi biro ang usapin ng kidney donation, lalo na sa isang bansang maraming Pilipino ang dumaranas ng kahirapan. Sa panahon ng kagipitan, may ilan talagang napipilitang gumawa ng desperadong hakbang para lamang makaraos. Kaya kapag ginagawang katatawanan ang pagbebenta ng organ, may panganib na unti-unti itong mawalan ng bigat sa paningin ng publiko, lalo na sa kabataan na madaling naaapektuhan ng nakikita online.
Para sa marami, simpleng meme lang ito, pero hindi lahat ng viral content ay dapat palampasin. May responsibilidad ang mga content creator, organisasyon, at maging mga ordinaryong netizen sa kung paano nila inilalahad ang mga sensitibong isyu. Hindi masamang magpatawa, pero mahalagang alam kung kailan ito maaaring makasakit o magbigay ng maling mensahe.
Paalala ito na ang tunay na Kalayaan ay may kasamang pananagutan. Malaya tayong magsalita at gumawa ng content, ngunit dapat ding isaalang-alang ang epekto nito sa kapwa. Kung nais nating maging mas mulat at responsableng lipunan, kailangang matutunan ding igalang ang mga usaping may direktang kinalaman sa buhay, dignidad, at kapakanan ng tao.





Comments