top of page

Pagbabalik-bansa ng mga gurong OFW, dapat bigyang prayoridad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 21, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nararapat lang na bigyang-prayoridad ang mga gurong OFW na gustong umuwi at muling magsilbi sa bansa, dahil hindi biro ang sakripisyong ginawa nila sa ibang bayan para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya. 


Kung may pagkakataong maibalik ang kanilang talino, karanasan at dedikasyon sa loob ng mga silid-aralan ng ‘Pinas, panalo rito hindi lang ang mga guro kundi pati ang milyun-milyong estudyanteng naghihintay ng dekalidad na edukasyon.


Ayon sa isang opisyal kabilang sa prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang pagkuha sa mga nagbabalik na Overseas Filipino Workers (OFW), partikular ang mga gurong nais muling magturo sa bansa. Ayon pa rito, ito ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., lalo na ngayong may malawakang hiring upang punan ang mga bakanteng posisyon sa pampublikong paaralan.


Malinaw na napapanahon ang hakbang na ito dahil marami pa ring paaralan ang kulang sa guro, lalo na sa mga lalawigan at matataong lungsod. Sa halip na hayaang manatiling bakante ang mga posisyon, mas mainam na kunin ang mga Pinoy na may sapat nang karanasan sa pagtuturo sa ibang bansa. Bitbit nila ang mga bagong kaalaman, makabagong pamamaraan sa pagtuturo at disiplina na maaari nilang maibahagi sa mga batang Pilipino.


Kasabay nito, inilunsad ang programang “Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS) na layong tulungan ang mga returning teacher-OFW na makabalik sa lokal na sistema ng edukasyon. Kabilang dito ang pagsasanay para sa mga matagal nang nawala sa bansa upang maging pamilyar muli sila sa curriculum, patakaran at kasalukuyang pangangailangan ng mga paaralan.


Dagdag pa rito, maaari rin umanong makinabang ang mga gurong ito sa mas mabilis na promosyon batay sa kanilang kakayahan at karanasan. Mahalaga ito dahil isa sa mga dahilan kung bakit maraming guro noon ang napilitang mangibang-bansa ay ang kakulangan ng oportunidad sa pag-angat ng karera at pakiramdam na hindi sila napapansin sa sariling bansa.


Magandang balita ito dahil kapag nadagdagan ang bilang ng mahuhusay na guro, mas tataas ang tsansa ng mga kabataang makatanggap ng maayos na edukasyon. Kapag maayos ang edukasyon, mas matibay ang pundasyon ng kinabukasan ng bansa.


Gayunpaman, dapat pantayan ng gobyerno ang mga benepisyo na nakukukuha ng mga guro sa ibang bansa, dahil hindi sapat na pauwiin lamang ang mga OFW. Nararapat silang salubungin ng malinaw na oportunidad, disenteng sahod at paggalang sa propesyong kanilang pinili. Kapag ang sariling bansa ay marunong kumilala sa galing ng Pinoy, hindi na kailangang lumayo pa para lamang maramdaman ang halaga ng kanilang serbisyo. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page