top of page
Nadine Lustre - Zero Studio PH.jpg

Bukas na manhole o drainage

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 23, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta,


Nabalitaan ko po kamakailan ang tungkol sa isang taong nahulog sa isang bukas na manhole o drainage na hindi niya napansin dahil sa baha. Nais ko lamang pong malaman kung maaari bang managot ang isang lokal na pamahalaan kung may taong napinsala, namatay dahil nakabukas, depektibong manhole, kanal o drainage sa isang pampublikong kalsada. — Gale





Dear Gale, 


Ayon sa Artikulo 2189 ng Republic Act (R.A.) No. 386, o ang New Civil Code of the Philippines:


“Article 2189. Provinces, cities and municipalities shall be liable for damages for the death of, or injuries suffered by, any person by reason of the defective condition of roads, streets, bridges, public buildings, and other public works under their control or supervision.”


Malinaw sa nasabing probisyon na maaaring magkaroon ng pananagutan ang isang probinsya, lungsod, o munisipalidad sa pagkamatay o pagkakasugat ng isang tao dahil sa depektibong kondisyon ng mga kalsada at iba pang mga gawaing pampubliko na nasa ilalim ng kanilang kontrol o pamamahala. 


Kaugnay nito, sa kasong City of Manila vs. Teotico (G.R. No. L-23052, ika-29 ng Enero 1968, isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Roberto R. Concepcion), nahulog si Teotico sa isang walang takip at hindi naiilawan na catch basin o manhole at nagtamo siya ng mga pinsala. Sa pagtalakay sa pananagutan ng siyudad ng Maynila sa ilalim ng Artikulo 2189 ng New Civil Code, ipinaliwanag ng Korte Suprema na:


“At any rate, under Article 2189 of the Civil Code, it is not necessary for the liability therein established to attach that the defective roads or streets belong to the province, city or municipality from which responsibility is exacted. What said article requires is that the province, city or municipality have either ‘control or supervision’ over said street or road.” 


Samakatuwid, hindi lamang ang pagmamay-ari ng kalsada o gawaing pampubliko ang dapat tingnan upang matukoy kung maaaring managot ang isang lokal na pamahalaan. Ang mahalaga sa ilalim ng nasabing batas ay kung ang naturang kalsada o gawaing pampubliko ay nasa kontrol o pamamahala nito.


May kaugnayan din dito ang Seksyon 458(a)(5)(viii) ng R.A. No. 7160, o ang Local Government Code of 1991, na nagbibigay sa sangguniang panlungsod ng kapangyarihan na:


“Regulate the drilling and excavation of the ground for the laying of water, gas, sewer, and other pipes and the construction, repair and maintenance of public drains, sewers, cesspools, tunnels and similar structures; regulate the placing of poles and the use of crosswalks, curbs, and gutters; adopt measures to ensure public safety against open canals, manholes, live wires and other similar hazards to life and property; and regulate the construction and use of private water closets, privies and other similar structures in buildings and homes;”


Maging ang Local Government Code, kung gayon, ay tahasang kumikilala sa pangangailangang gumawa ng mga hakbang upang mapangalagaan ang publiko laban sa mga panganib na dulot ng mga bukas na kanal, manhole, at iba pang katulad na panganib.


Samakatuwid, maaaring magkaroon ng pananagutan ang isang lokal na pamahalaan kung ang pagkamatay o pagkakasugat ng isang tao ay sanhi ng depektibong kondisyon ng isang kalsada, manhole, kanal, o ibang gawaing pampubliko na nasa ilalim ng kontrol o pamamahala nito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page