top of page
Nadine Lustre - Zero Studio PH.jpg

Masustansiyang pagkain, karapatan ng mamamayan

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 23, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hays! Nakalulungkot isipin na sa bansang pinagkukunan ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka at mangingisda, napakarami pa ring Pilipino ang hindi kayang bumili ng sapat at masustansiyang pagkain. Hindi sapat na may laman ang tiyan kung ang pagkaing nakakayanan ng pamilya ay malayo naman sa nutrisyong kailangan upang manatiling malusog.


Sa halip na luho, dapat ituring na pangunahing pangangailangan ng bawat mamamayan ang masustansiyang pagkain.


Batay sa datos ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO), tinatayang 52.6 milyong Pilipino o halos 47% ng populasyon ang hindi kayang tustusan ang isang masustansiyang diyeta noong 2025 matapos bayaran ang iba pang pangunahing gastusin sa bahay. Katumbas ito ng halos kalahati ng tinatayang 112.7 milyong populasyon ng bansa batay sa pagtataya noong kalagitnaan ng 2024.


Ipinapakita ng ulat na hindi lamang kawalan ng pagkain ang suliranin, kundi pati ang kakayahang makabili ng pagkaing may sapat na sustansiya. Sinusukat ng FAO kung kaya ng isang pamilya na tustusan ang pinakamurang kombinasyon ng mga lokal na pagkain na nakatutugon sa pangangailangan sa nutrisyon, matapos isaalang-alang ang gastusin sa pabahay, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan.


Dahil kapos sa badyet, kadalasang inuuna ng mga pamilya ang pagkaing nakakabusog kaysa sa prutas, gulay at iba pang pagkaing mayaman sa sustansiya. Ang ganitong sitwasyon ay maaaring magresulta sa hindi balanseng nutrisyon, lalo na sa mga batang nangangailangan ng sapat na sustansiya para sa kanilang paglaki at pag-unlad.


Lalong nakababahala na nananatili ring mabigat ang problema sa kagutuman. Ayon sa hiwalay na survey na binanggit sa ulat, umabot sa 22.6% ang nakaranas ng involuntary hunger noong Setyembre 2026, mas mataas kaysa sa 21.1% na karaniwang antas noong pandemya.


Hindi rin nangangahulugang magiging abot-kaya na ang pagkain kapag bumabagal ang inflation. Kung hindi nakasasabay ang kita sa mga naunang pagtaas ng presyo, patuloy na mahihirapan ang mga pamilya na bumili ng sapat at de-kalidad na pagkain.


Kaya mahalagang palakasin ang tulong sa mga pamilyang kapos, habang namumuhunan sa pananaliksik sa agrikultura, maayos na imbakan at episyenteng distribusyon upang mapababa ang gastos at mapalawak ang suplay ng masustansiyang pagkain.


Hindi dapat masukat ang seguridad sa pagkain sa dami lamang ng naihahain sa hapag. Dapat ding tiyakin na may sapat na sustansiya ang bawat pagkain at hindi kailangang isakripisyo ng pamilya ang ibang pangunahing pangangailangan upang makakain nang wasto. Ang masustansiyang pagkain ay hindi pribilehiyo ng may kaya, kundi mahalagang pundasyon ng kalusugan, dignidad at kinabukasan ng bawat Pilipino.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page