P5K ayuda, hindi sapat sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis
- BULGAR

- 14 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 28, 2026

Kakayanin pa kaya ng mga delivery rider at express drivers ang taas-presyo ng krudo kung ang kita nila ay halos hindi na sumasabay sa gastusin?
Sa patuloy na pagmahal ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East, tila isang malaking pahinga para sa libu-libong manggagawang araw-araw sa lansangan ang inilunsad na ayuda ng gobyerno para sa mga Private Express and/or Messengerial Delivery Service (PEMEDES) drivers. Hindi man ito permanente, malinaw na may layuning maibsan kahit paano ang bigat ng araw-araw nilang pasanin.
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng PHP5,000 cash relief assistance para sa mahigit 150,000 PEMEDES drivers sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila. Kabilang sa mga lugar na may payout ay ang Cordillera Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng agarang tugon upang makatulong sa mga rider at delivery drivers na apektado ng mataas na presyo ng gasolina at diesel. Ilan sa mga benepisyaryong sakop ng programa ay mga empleyado o rider mula sa LBC Express, Grab Express, Fastrak Services Inc., Global Jet Cargo Philippines Inc., J&J Dynamic, Express Speed Riders Inc., at Lalamove Technology Philippines. Kasabay nito, nagpapatuloy din ang espesyal na payout sa Metro Manila para sa jeepney, tricycle, transport network vehicle service (TNVS), motorcycle taxi drivers, at service delivery riders.
Sa ilalim ito ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, isang mekanismong nagsisilbing pansamantalang suporta sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng hindi inaasahang krisis. Bahagi rin ito ng UPLIFT framework ng pamahalaan na tumutulong sa mga sektor na direktang naaapektuhan ng tensyon sa Middle East, lalo na ang transportasyon at kabuhayan.
Mahalagang maunawaan na ang tulong sa mga rider at driver ay hindi lamang para sa kanila kundi para rin sa ordinaryong mamamayan. Kapag bahagyang gumaan ang gastusin ng mga nasa delivery at transport sector, may posibilidad na hindi agad sumipa ang dagdag-singil sa pamasahe, delivery fee, at presyo ng ilang produkto. Sa madaling salita, konektado ang kalagayan nila sa araw-araw na galaw ng publiko.
Positibong hakbang ang ayuda, ngunit malinaw ding pansamantalang lunas lamang ito sa mas malalim na problema ng mataas na presyo ng langis. Magiging mas makabuluhan ang ganitong programa kung sasabayan ng pangmatagalang plano para sa mas murang transport cost at mas matatag na suporta sa mga manggagawang nasa lansangan. Ang ginhawa ay hindi nasusukat sa isang beses na ayuda kundi sa pagkakaroon ng mas matibay na seguridad sa kabuhayan ng mga taong araw-araw na bumibiyahe para mapatakbo ang ekonomiya.





Comments