top of page
Pokwang.jpg

P5.11B utang na hindi nababayaran, banta sa jeepney modernization

Writer: BULGAR
BULGAR
3 days ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 15, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Grabe, hindi biro ang bilyun-bilyong pisong pautang na hindi na nababayaran sa takdang panahon, lalo na kung ang perang ito ay inilaan para sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon. 


Sa halip na makatulong lamang sa modernisasyon, ang problema sa pagbabayad ay nagdudulot din ng panganib sa pananalapi ng mga bangkong pag-aari ng gobyerno. 

Kailangang tiyakin na ang programang dapat magpaunlad sa kabuhayan ng mga tsuper ay hindi mauwi sa mas mabigat na pasanin para sa kanila at sa taumbayan.


Batay sa datos ng Department of Transportation (DOTr), umabot sa P15.39 bilyon ang mga pautang na inilabas ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines para sa Public Transport Modernization Program (PTMP) hanggang Mayo.


Sa halagang ito, P5.11 bilyon o halos ⅓  ang itinuring na default dahil paulit-ulit nang hindi nakapaghulog ang mga nangutang.


Ipinapakita ng sitwasyong ito na kailangang suriin ang kakayahan ng mga jeepney operator at driver na tustusan ang mga obligasyon nila. 


Hindi sapat na makapagbigay ng pautang upang makabili ng modernong sasakyan. Dapat ding matiyak na may sapat na kita ang mga benepisyaryo upang mabayaran ang kanilang utang habang tinutustusan ang pang-araw-araw na gastusin sa operasyon at pamilya.


Isa sa mga mungkahing pinag-aaralan ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), ang think tank ng Kamara, ang pagpasok ng pribadong mamumuhunan sa PTMP. Sa ganitong modelo, maaaring bumili ng libu-libong modernong jeepney ang malalaking kumpanya at ipaupa ang mga ito sa mga tsuper.


Maaari ring lagyan ang mga sasakyan ng automated fare collection system upang mapadali ang pangongolekta ng pamasahe.


Tinataya ng CPBRD na maaaring umabot sa P5 bilyon kada buwan ang kita mula sa 170,000 unit kung bawat isa ay kikita ng P1,500 kada araw. Gayunman, kailangang malinaw kung magkano rito ang aktuwal na matitira matapos ibawas ang mga gastusin, bayarin at iba pang obligasyon.


Iminungkahi rin ng CPBRD na pag-aralan ng mga lokal na pamahalaan ang Libreng Sakay program ng Quezon City. May walong ruta ang serbisyo nito at nakapagsakay na ng humigit-kumulang 48.6 milyong pasahero mula 2020.


Layunin ng PTMP na palitan ang mga tradisyonal na jeepney ng mas modernong sasakyan para sa kaligtasan at kapaligiran. Ngunit kailangang isaalang-alang din ang kakayahang kumita ng mga operator, kabuhayan ng mga tsuper at halaga ng pamasahe para sa mga komyuter.


Hindi dapat malaman nating tagumpay ng modernisasyon sa dami lamang ng bagong jeepney. Dapat itong makita sa maayos na serbisyo, abot-kayang pamasahe at disenteng kabuhayan. Ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang pagbabago ng sasakyan, kundi pagtiyak na walang tsuper, pasahero o pamilyang maiiwan sa gitna ng pagbabagong ito.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page