P19.39 trilyon na utang, ok lang kung gagamitin sa pag-unlad
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 5, 2026

Naku! P19.39 trilyon na ang utang ng national government, at ang tanong na hindi na kailangang itanong ay kung sino ang magbabayad nito. Taumbayan pa rin naman.
Habang patuloy na nadaragdagan ang hiniram na pera ng gobyerno, mga Pinoy ang kailangang humarap sa mga buwis, presyo ng bilihin at iba pang gastusing maaaring maapektuhan kapag lalo pang bumigat ang obligasyon ng bansa.
Sa pagtatapos ng Hulyo 2026, umabot sa bagong rekord na P19.39 trilyon ang kabuuang utang ng national government. Nadagdagan ito ng P323.53 bilyon o 1.7 porsyento mula sa P19.065 trilyon noong katapusan ng Hunyo. Sa loob lamang ng isang buwan, ganito kalaking halaga ang idinagdag sa utang ng bansa.
Malaking bahagi nito ay domestic debt na nasa P13.11 trilyon, habang P6.28 trilyon naman ang external debt. Ibig sabihin, hindi maliit na obligasyon ang kailangang balikatin ng pamahalaan. Kapag patuloy itong lumalaki, mas malaking bahagi ng pondo ng gobyerno ang maaaring mapunta sa pagbabayad ng utang at interes sa halip na sa serbisyong direktang kailangan ng taumbayan.
Dagdag pasanin din ang paghina ng piso. Bumaba ang halaga nito sa P61.327 kada dolyar noong Hulyo mula sa P61.290 noong Hunyo. Dahil dito, tumataas sa piso ang halaga ng bahagi ng utang na nakatali sa foreign currencies. Kapag humihina ang piso at lumalaki ang utang, hindi lang numero sa rekord ang gumagalaw. May epekto ito sa tunay na buhay ng mga Pilipino.
Mas nakababahala na ang P19.39-trilyong utang ay katumbas na ng halos 98 porsyento ng P19.76-trilyong debt projection ng gobyerno para sa buong 2026. Halos naaabot na agad ang inaasahang antas bago pa man matapos ang taon.
Dito dapat maging mapanuri ang taumbayan. Ang pangungutang ay maaaring kailanganin para pondohan ang mahahalagang proyekto at serbisyo, pero hindi dapat maging normal ang patuloy na pagtaas nito nang walang malinaw na pananagutan kung saan napupunta ang bawat pisong hiniram.
Hindi pera ng gobyerno ang binabayaran kapag dumating ang oras ng pagsusukli. Pera ito ng bayan. Bawat utang na kinukuha ngayon ay obligasyong maaaring pasanin ng kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Kaya dapat maging mas maingat ang pamahalaan sa pangungutang, mas malinaw sa paggamit ng pondo at mas mahigpit sa paggastos. Hindi sapat na may pera para gastusin. Dapat may resulta, may pakinabang at may malinaw na balik sa taumbayan.
Hindi dapat ipagmalaki ang lumolobong utang na para bang sukatan ito ng pag-unlad. Ang tunay na sukatan ay kung gumaganda ba ang buhay ng Pilipino nang hindi ipinapasa sa kanila ang napakalaking bayarin ng mga desisyong ginawa ng mga nasa kapangyarihan.





Comments