National Children’s Month: Proteksiyon sa mga bata sa panahon ng kalamidad, paigtingin

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 3, 2026

Paigtingin ang pangangalaga at proteksiyon sa mga bata, lalo na sa panahon ng kalamidad at iba pang krisis, dahil hindi sapat na mailigtas lamang sila sa panganib kung hindi rin matitiyak ang kanilang kaligtasan, kalusugan, edukasyon at karapatan.
Sa bawat bagyo, baha, lindol at armadong tunggalian, kabilang ang mga bata sa higit na nangangailangan ng agarang tulong at espesyal na pag-aaruga.
Ito ang mahalagang panawagan ng Commission on Human Rights (CHR) ngayong pagdiriwang ng National Children’s Month na magsisimula ngayon araw Nobyembre 3. Sa temang “Manindigan! Tumugon at Kumalinga: Sa Batang Handa, Mas Ligtas ang Bansa,” binigyang-diin ng komisyon na dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga bata bago, habang at pagkatapos ng anumang emergency.
Hindi lamang pagkain, damit at pansamantalang matutuluyan ang kailangan ng mga batang naapektuhan ng sakuna. Dapat ding matiyak ang tuluy-tuloy na edukasyon, serbisyong pangkalusugan, psychosocial support at proteksiyon laban sa pang-aabuso, kapabayaan at pagkakahiwalay sa kanilang pamilya. Lalong dapat bigyang-pansin ang mga batang may kapansanan at yaong mula sa mahihirap at bulnerableng komunidad upang walang mapag-iwanan sa paghahanda at pagtugon sa krisis.
Hindi rin dapat balewalain ang mga panganib na dulot ng internet. Nanawagan ang CHR na palakasin ang mga mekanismo laban sa online sexual abuse and exploitation of children, kabilang ang madaling pag-uulat, agarang pagsagip, rehabilitasyon at pagkuha ng hustisya. Kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan, mahalaga ring paigtingin ang seguridad sa mga institusyong pang-edukasyon, pag-iwas sa karahasan, suporta sa mental health at pangangalaga sa pribadong impormasyon ng mga mag-aaral.
May ilang positibong hakbang na rin sa pagtataguyod ng karapatan ng kabataan. Inalis ang Pilipinas sa listahan ng United Nations tungkol sa mga sitwasyong may malulubhang paglabag laban sa mga bata sa armadong tunggalian matapos ang 22 taon. Iniulat din ng CHR ang pagbaba ng bilang ng mga batang nagtatrabaho at child laborers sa mga lugar na kanilang sinubaybayan. Gayunman, kailangan pa ring tugunan ang kahirapan at iba pang ugat ng pagsasamantala sa mga bata.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, magsasagawa ang CHR ng konsultasyon sa mga batang may kapansanan at kanilang mga magulang sa Nobyembre 14 upang talakayin ang mga hadlang sa inklusibong edukasyon. Gaganapin naman sa Nobyembre 24 ang Children’s Dialogue with Legislators upang direktang maiparating ng kabataan ang kanilang karanasan at rekomendasyon sa mga mambabatas. Magsasagawa rin ng Kabataan Karapatan Caravans sa mga piling paaralan at pasilidad para sa mga bata at kabataan. Samantala, idaraos ng Department of Justice (DOJ) ang Children’s Summit at ika-20 Juvenile Justice Week mula Nobyembre 23 hanggang 27.
Mahalagang hindi matapos sa mga programa at pagdiriwang ang pagkilala sa karapatan ng mga bata. Dapat itong makita sa aktuwal na serbisyo, ligtas na paaralan, maayos na komunidad at mabilis na pagtugon sa bawat paglabag. Ang mga bata ay hindi lamang dapat protektahan; kailangan ding pakinggan at bigyan ng pagkakataong makilahok sa mga desisyong nakaaapekto sa kanilang kinabukasan.
Ang batang handa ay nagsisimula sa lipunang handang umalalay. Responsibilidad ng pamahalaan, paaralan, magulang at buong komunidad na tiyaking ligtas, napapakinggan at napahahalagahan ang bawat bata, sa panahon man ng kapayapaan o sakuna.





Comments