top of page
WINNER - SUGAR, KINUMPIRMANG HINANAP NI MOND SI HEART SA PARTY, MGA GUESTS NAGTAWANAN DAHI

National Reading Month: Kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral, palakasin

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 3, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Tuwing buwan ng Nobyembre, ipinagdiriwang ng ating bansa ang National Reading Month. Taos-pusong nakikiisa ang inyong lingkod sa bawat paaralan at komunidad sa pagdiriwang natin ng Pambansang Buwan ng Pagbasa. Mahalaga ang okasyong ito, lalo na’t kinikilala natin ang papel ng pagbasa bilang mahalagang pundasyon sa edukasyon ng ating mga kabataan.


Nitong mga nagdaang taon, tinutukan natin ang mga hamong kaakibat ng krisis na hinaharap natin sa edukasyon. Kabilang dito ang malaking porsyento ng ating mga mag-aaral na hindi nakakamit ang sapat na kakayahan sa pagbasa.


Kung ating babalikan ang 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), lumalabas na walo sa 10 mag-aaral na 15 taong gulang ang hindi nakakamit ang minimum reading proficiency. Nakakabahala ito dahil lumalabas na marami sa ating mga mag-aaral ang umabot sa huling bahagi ng kanilang basic education nang hindi nakakamit ang inaasahang kakayahan pagdating sa pagbasa, bagay na maaaring makahadlang sa kanilang patuloy na pag-aaral.


Upang tugunan ang hamong ito, nagpatupad tayo ng mga reporma upang iangat ang kakayahan ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbasa. Kabilang dito ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program, kung saan nagpapatupad tayo ng mga tutorial sessions para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.


Noong lumabas ang resulta ng 2025 PISA, nakita natin ang pag-angat ng kakayahan ng ating mga mag-aaral sa pagbasa. Kung 347 ang markang nakamit ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbasa noong 2022, tumaas ito sa 367 noong 2025, katumbas ng 20 points. Lumalabas ding sa 50 bansa at ekonomiyang may maihahambing na datos mula 2022 hanggang 2025, ang Pilipinas ang may pinakamalaking itinaas na marka pagdating sa pagbasa.


Lumabas din sa isang impact evaluation na isinagawa ng DepEd, nonprofit organization na Youth Impact, at World Bank na tinatayang 1.37 milyong karagdagang mag-aaral ang nakaahon mula sa kategorya ng mga struggling readers dahil sa mga repormang kaugnay ng ARAL Program. Tinatayang 730,000 karagdagang mag-aaral naman ang nakamit ang inaasahang kakayahan sa pagbasa para sa kanilang grade level dahil sa programa.


Kaya naman patuloy nating susuportahan ang mga programa at polisiyang naglalayong iangat ang kakayahan ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbasa. Noong nanungkulan ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating mailalaan ang makasaysayang P8.9 bilyon para sa ARAL Program sa ilalim ng 2026 national budget.


Bagama’t walang hiwalay na budget line item para sa programa sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), titiyakin nating makakapaglaan tayo ng sapat na pondo upang patuloy nating matulungan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.


Kung makakamit ng bawat mag-aaral ang sapat na kakayahang bumasa, malaking hakbang na itong maituturing sa pagsugpo natin sa krisis sa edukasyon





May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page