top of page
WINNER - SUGAR, KINUMPIRMANG HINANAP NI MOND SI HEART SA PARTY, MGA GUESTS NAGTAWANAN DAHI

Anim na senior justices malalaktawan kapag si Zalameda ang pinili?

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | November 3, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Napakarami nang nakabinbing kaso ngayon sa Korte Suprema.

Pero ang pinakamabigat at masyadong maselan ay ang isyu kung sino ang susunod na uupong chief justice.


----$$$--

Opo, awtomatikong magre-retire na si Chief Justice Alexander Gesmundo this week sa Nobyembre 6.


At alam ba ninyo na malakas ang ugong sa loob ng Malacañang na ang papalit ay si Associate Justice Rodil Zalameda?

Marami ang nagtaas ng kilay!


-----$$$--

Ang malaking problema, kapag si Zalameda ang itinalaga ni PBBM, malalaktawan nito ang anim na senior justices.

Posibleng mag-boomerang ang desisyon dahil imbes na makatulong o maproteksiyunan ang Pamilya Marcos matapos ang 2028, baka lalo pang mapahamak!


----$$$--

AANI ito ng katakut-takot na intriga at espekulasyon sa social media at mismo sa legal circle.

Lulutang ang isyu sa ilang kaso kung saan si Zalameda ang naging ponente at pumabor ang desisyon sa Pamilya Marcos.


-----$$$--

SI Justice Zalameda ang nag-akda ng dalawang desisyong may malaking epekto sa pamilya ng Pangulo.

Una ay ang 2023 en banc ruling na nagbasura sa P41 bilyong ill-gotten wealth case laban sa mga Marcos at kay Lucio Tan.

Ikalawa ay ang desisyon ng First Division ngayong taon na nag-absuwelto kay ex-FL Imelda Marcos sa pitong bilang ng graft.


----$$$--

Bagama't nakabase sa ebidensya ang mga ito, ang pag-aangat sa ponente ng mga naturang desisyon ay hihigop ng intriga.

Iisipin ng publiko na ito ay kabayaran o payoff.


----$$$--

NARANASAN na ang ganitong senaryo.

Noong 2012, ginawang Chief Justice si Maria Lourdes Sereno ni dating Pangulong Benigno Aquino III kahit nilaktawan niya ang mga beteranong senior justice tulad ni Acting Chief Justice Antonio Carpio. 


----$$$--

HINDI ito maluwag na tinanggap ng Korte; nang sumapit ang mga pagdinig sa Kongreso noong 2017 at 2018, ang mga kapwa mahistrado pa mismong sina Teresita Leonardo de Castro at Diosdado Peralta ang humarap upang tumestigo laban kay Sereno. 

Sorpresang nasibak si Sereno.


----$$$--

POSIBLENG may mga nagbubulong sa Palasyo na ang isang tapat na chief justice ay magsisilbing panangga o proteksyon kapag bumaba na sa puwesto ang incumbent president. 

Pero isa lamang itong ilusyon. 

Isa lang ang boto ng chief justice sa 15, at wala siyang kapangyarihang mag-utos sa iba. 


----$$$--

ISANG aral dito ay ang nangyari nang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay sorpresang ibiniyahe tungo sa The Hague.

Ang mga mahistradong iniluklok niya sa puwesto ay hindi man lang nag-angat ng daliri upang sagipin siya o protektahan.


----$$$--

KUNG papaboran man ang appointing officer, sasabihing "bayad-utang"; kung kumontra naman, sayang lang ang naging kasunduan. 

Talo rin sa parehong sitwasyon. 


----$$$--

SA totoo lang, kailangan ng bansa ay isang matatag at maaasahang korte.

Hindi ang isang pinagdududahan ng mga kapwa hukom.


----$$$--

MAUNAWAAN sana ni PBBM na ang tunay na proteksyon sa isang nagtatapos na Pangulo ay isang malayang Korte Suprema.

Dapat ay pinagkakatiwalaan ng taumbayan, isang punong mahistradong ang awtoridad ay nagmumula sa sariling rekord at hindi sa impluwensiya ninuman.


----$$$--

HINDI dapat mag-appoint ng kasangga, bagkus ay pumili ng pinaka-senior na may napatunayang integridad, malalim na pilosopiya sa batas, at malasakit sa ordinaryong Pilipino. 

Kung hindi naproteksiyunan ni Zalameda ang nag-appoint sa kanya na si Rodrigo Duterte, paano makakaasa ng pabor si PBBM?

Isa itong malaking taya sa sugal!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page