top of page
Andrea Brillantes - IGjpg.jpg

Modernisasyon sa edukasyon, ‘wag hanggang gadget lang

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 4, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Malaking tulong kahit papaano ang pamamahagi ng 170,000 MacBook Neo sa mga guro at kawani ng mga pampublikong paaralan sa bansa, lalo na sa panahong mahalaga na ang paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo at pagpapatakbo ng mga paaralan. 


Isa itong hakbang na maaaring magpagaan sa trabaho ng mga edukador, subalit hindi dapat dito magtapos ang pagsisikap na tugunan ang matagal nang kakulangan sa kagamitan at pasilidad sa sektor ng edukasyon.


Sa ilalim ng kasunduan ng isang global technology company at Department of Education (DepEd), ilalaan ang mga laptop sa mahigit 16,400 pampublikong paaralan sa buong bansa sa pamamagitan ng DepEd Computerization Program (DCP). Saklaw nito ang mga guro at non-teaching personnel na nangangasiwa sa mahahalagang gawaing administratibo sa mga paaralan.


Kinumpirma ang kasunduan sa quarterly financial call ng kumpanya, na tinawag ding pinakamalaking transaksiyon nito na may kaugnayan sa sektor ng edukasyon.


Inaasahang makatutulong ang mga laptop sa paghahanda ng mga aralin, paggawa ng mga dokumento, pagproseso ng mga rekord at paggamit ng iba’t ibang digital learning materials.


May kasamang mga productivity application tulad ng Pages, Keynote, Numbers at Freeform ang mga unit nang walang karagdagang bayad sa lisensiya o subscription. Mayroon ding access ang mga edukador sa Apple Education Community, na nag-aalok ng mga programang pagsasanay at mahigit 70 lesson plan na binuo ng mga Pilipinong guro at iniangkop sa K–12 curriculum.


Mahalaga ang ganitong suporta dahil hindi lamang ang pagtuturo sa loob ng silid-aralan ang responsibilidad ng mga guro. Marami rin silang oras na ginugugol sa paghahanda ng mga materyales, paggawa ng ulat at pagtupad sa mga gawaing administratibo. Kung mapapabilis ng teknolohiya ang mga prosesong ito, mas marami silang panahong mailalaan sa pagtutok sa pagkatuto ng mga estudyante.


Gayunman, hindi sapat ang pagkakaroon ng bagong laptop upang masabing nalutas na ang problema sa edukasyon. Kailangan ding tiyakin ang maayos na internet connection, sapat na kuryente, teknikal na suporta at pagsasanay upang magamit nang wasto ang mga kagamitan. Dapat ding maging malinaw ang sistema ng pamamahagi upang matiyak na mapupunta ang mga ito sa mga paaralang higit na nangangailangan.


Hindi nasusukat sa dami o halaga ng ipinamahaging gadget ang tunay na pag-unlad ng edukasyon. Mas mahalaga kung paano nito napapagaan ang trabaho ng mga guro at napapabuti ang pagkatuto ng mga bata.


Ang teknolohiya ay dapat magsilbing katuwang, hindi kapalit, ng de-kalidad na pagtuturo at sapat na suporta ng pamahalaan. Ang bawat pamumuhunan sa edukasyon ay dapat maramdaman hindi lamang ng mga guro, kundi higit sa lahat, ng milyun-milyong mag-aaral at pamilyang umaasa sa pampublikong paaralan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page