top of page
Andrea Brillantes - IGjpg.jpg

Agaw-eksena talaga… ANDREA, TODO-ENJOY NA DYARYO LANG ANG PANTAKIP SA BOOBS AT FLOWER SA HALLOWEEN PARTY

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
4 min read

ni Beth Gelena @Bulgary | November 4, 2026



Mula ulo hanggang paa, tila walang saplot si Andrea Brillantes sa Halloween party na Shake, Rattle & Ball 2026: LUCID.

Photo: Instagram / Blyhe



Walang itinira sa pasabog! 

Mula ulo hanggang paa, tila walang saplot si Andrea Brillantes sa Halloween party na Shake, Rattle & Ball 2026: LUCID.


Kakaiba ang costume ni Blythe (real name ng aktres) dahil newspaper lamang ang nagsilbing pantakip sa mahahalagang bahagi ng kanyang katawan, maging sa harapan at likuran.

Walang kaarte-arte ang aktres sa pagdadala ng kanyang daring outfit. Nakipagbeso-beso pa siya sa mga kapwa artistang dumalo sa event na para bang ordinaryong kasuotan lamang ang kanyang suot.


Pero hindi basta pagpapakita ng skin ang konsepto sa likod ng kanyang costume. Ayon kay Blythe, inspirasyon niya ang isa sa mga karaniwang bangungot ng tao — ang matagpuang hubad sa publiko.


“I love how this theme challenged me to get creative and think about how to dress up as a dream! So I decided to bring one of the most common nightmares to life—finding yourself completely naked in public!” sey ni Blythe sa kanyang IG post.


At hindi naman nasayang ang pagiging malikhain at lakas ng loob ng aktres dahil nasungkit niya ang Best Undressed award sa naturang Halloween event.





Siyempre, hindi rin nagpahuli ang mga netizens sa kanilang reaksiyon sa kakaibang outfit ni Andrea.


May mga hindi nagustuhan ang konsepto at nagkomento pa ng “‘Di naman Halloween ‘to, eh. PORN!”


May nagbigay naman ng paliwanag sa likod ng costume.

Sey nito, “‘Di n’yo kasi gets. Kaya newspaper ang costume ni Blythe dahil sa mga balita (pagpapa-sexy) tungkol sa kanya.”


May humanga rin sa confidence ng aktres.

“Wow! Very nice, very attractive, so beautiful! Body confidence, super-stunning, iconic beauty queen! You're sexy inside and out. The No. 1 Halloween queen, Andrea Brillantes! Congratulations!”


May humirit pang “Sana, naging dyaryo na lang ako.”

Sabi naman ng isa, “Si Andrea lang ang may pinakamahirap na costume, may tape ‘yan na kulay-balat kaya kahit mabitawan, walang makikita r’yan.”


Sey naman ng isang netizen, “Kung ‘di s’ya artista, mapagkakamalang siraulo. Just saying…”


May nagkomento pa na tila dinaig pa raw ni Andrea ang mga Vivamax beauties sa daring niyang Halloween look.


Pero sa mga kumalat na video, kapansin-pansin ang kumpiyansa ni Andrea sa pagdadala ng kanyang costume. Hindi siya mukhang naiilang sa atensiyong nakukuha niya, bagkus ay todo-enjoy pa sa kanyang konsepto.


Sa dami ng artistang nagpagandahan at nagpasiklaban sa Halloween party, iba talaga ang naging diskarte ni Blythe. 





Sa wakas daw, natagpuan na…

AIKO: ONEMIG, LALAKING IPINAGDASAL NG TATAY KO PARA SA AKIN



MAY isang taong labis na nanaisin ni Aiko Melendez na makasama sa pinakamahalagang kabanata ng kanyang buhay ngayon — ang yumao niyang amang si Jimi Melendez.


Sa paggunita sa kaarawan (October 31) ng kanyang ama noong Nobyembre 1, nagbahagi si Aiko ng isang madamdaming mensahe kasabay ng larawan ng marriage proposal ni Onemig Bondoc sa puntod ni Jimi.


Ayon kay Aiko, ngayong naghahanda siyang lumakad sa altar, mas dama niya ang pangungulila sa kanyang ama na sana ay personal na makasaksi sa kanyang kaligayahan.


Ikinuwento rin ng aktres na siniguro ni Onemig na magiging bahagi ang kanyang ama sa kanilang nalalapit na kasal sa isang napakaespesyal na paraan.


Mas naging emosyonal ang mensahe ni Aiko nang sabihin niyang natagpuan na niya ang lalaking matagal na ipinagdasal ng kanyang ama para sa kanya.


“Papa, I want you to know that I am finally in the arms of the kind of man you always prayed I would find,” saad niya.


Dagdag pa niya, isang lalaking inirerespeto siya, pinoprotektahan ang kanyang kapayapaan, tinatanggap siya kung sino siya at minamahal nang buong puso.


“I believe you would have been happy knowing that your daughter is finally loved the way a father would want his daughter to be loved,” bahagi pa ng kanyang mensahe.


Hindi rin itinanggi ni Aiko na hindi naging perpekto ang kanyang pinagdaanan sa buhay at pag-ibig. Pero sa kabila ng mga pagkakamali at pagsubok, marami siyang natutunan na humubog sa kanyang pagkatao.


Itinuturing naman niyang pinakamalalaking biyaya ang kanyang mga anak na sina Andre at Marthena.


Sa puntong ito ng kanyang buhay, sinabi ni Aiko na payapa na ang kanyang puso habang naghahanda siyang pakasalan si Onemig.


Matatandaang nag-propose si Onemig kay Aiko noong Oktubre, sa mismong puntod ng kanyang ama. Bago ito, humingi rin umano ng permiso ang aktor sa ina at mga anak ng aktres.


Pebrero naman nang kumpirmahin ng dalawa ang kanilang relasyon, 29 taon matapos unang magtagpo ang kanilang landas.


Para kay Aiko, tila nagkaroon ng tamang panahon ang kanilang love story matapos ang mahabang paghihintay at pagliko ng kapalaran.





NAGBIGAY-PUGAY si Anne Curtis sa kanyang yumaong biyenang si Louis Heussaff, ama ng asawang si Erwan Heussaff, na pumanaw noong Oktubre 31.


Sa pamamagitan ng kanyang Instagram (IG) Story, nag-post si Anne ng video ng paglubog ng araw na nilagyan niya ng salitang ‘Papa’ at malungkot na emoji.


Lalo pang naging madamdamin ang tribute nang samahan niya ito ng kantang Remember Me by Miguel (sa Coco film).


Ang pagpanaw ni Louis ay kinumpirma ng kanyang asawang si Cynthia Heussaff.

Ayon sa ulat, ilang taon ding nakipaglaban sa dementia ang ama nina Erwan at Solenn bago ito pumanaw.


Hindi rin lingid sa publiko na nauna nang nakaranas ng pagluluksa ang magkapatid na Anne at Jasmine Curtis-Smith nang pumanaw ang kanilang ama na si James Curtis-Smith.


Samantala, nagpakita naman ng ibang side si Anne nang makisabay siya kina Vhong Navarro at Jhong Hilario sa viral na Sayaw ng Puso.


Sa isang IG reel, pabirong ipinakilala ang aktres na nasa dancer era na kalakip ang caption na, “ANNE-DITO NA S’YA!!!”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page