top of page
Andrea Brillantes - IGjpg.jpg

Empleyadong pinagsabihan at sinigawan, may karapatan bang magreklamo?

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 4, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May nalabag po akong patakaran ng kumpanya. Kaugnay nito, pinagsumite ako ng paliwanag at humingi ng tawad. Pinagsabihan at sinigaw-sigawan ako. Nag-isyu rin ang management ng memorandum na pinapaalalahanan ako ukol sa mga patakaran ng kumpanya, na may babala na tatanggalin ako sa mga susunod na paglabag. Tumanggi akong tanggapin ito, ngunit uminit ang ulo ng aking boss at sinigawan na naman ako. Dahil dito, hindi na ako pumasok. Maaari ko bang kasuhan ang kumpanya? — Caleb



Dear Caleb,


Sa kaso ng ilegal na pagtanggal sa trabaho (illegal dismissal case), kailangang patunayan muna ng empleyado, sa pamamagitan ng sapat na ebidensya, na siya ay natanggal sa trabaho, bago malipat ang pasanin sa employer na patunayan ang legalidad nito.


Sa kasong Fernando C. Gososo vs. Leyte Lumber Yard and Hardware, Inc., and Ruben L. Yu, G.R. No. 205257, 13 Enero 2021, sa panulat ni Honorable Ramon Paul L. Hernando, pinasiyahan ng ating Korte Suprema na ang mga gawa lamang ng pagkapoot, gaano man ito kalala/kalubha, na ginawa ng employer sa empleyado ay hindi agad maaaring ituring bilang lantarang direktiba ng pagtanggal sa trabaho:


“In illegal dismissal cases, the employee must first establish by substantial evidence the fact of dismissal before the employer is charged with the burden of proving its legality.


xxx Mere acts of hostility, however grave, committed by the employer towards the employee cannot on their lonesome be construed as an overt directive of dismissal from work.”


Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema na makatwiran ang pagsaway sa empleyado – bagama’t labis at nakakatakot – kung ito ay naudyukan ng paglabag ng empleyado sa mga patakaran at gawi ng kumpanya. Sa batayang ito lamang, hindi ito maaaring ituring na katumbas ng malinaw na mga gawa ng diskriminasyon, kawalan ng pakiramdam, o paghamak sa empleyado na magiging dahilan upang hindi niya matiis ang patuloy na pagtatrabaho sa kumpanya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page