MMDA-SOG Chief, hindi dapat siga at pasikat!
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 17, 2026

HINDI RIN PALA SAFE SA KASO SI SEN. ALAN CAYETANO KASI DESIDIDO SI NBI DIRECTOR MATIBAG IMBESTIGAHAN ANG 2019 SEA GAMES SCAM – Matapos ianunsyo ni NBI Director Melvin Matibag na iimbestigahan ang mga umano'y anomalya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Pilipinas, umuusok sa galit sina Sen. Alan Cayetano at Sen. Pia Cayetano sa pambabatikos sa NBI chief.
Nagalit ang magkapatid na Cayetano dahil, anila, matagal nang nalimutan ng publiko ang isyu ng umano'y anomalya sa 2019 SEA Games, kung saan iniuugnay si dating House Speaker Alan Cayetano, na noo'y chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC). Pero ngayon, muli itong binuhay ni Director Matibag.
At dahil pursigido si Director Matibag na mapanagot ang mga umano'y sangkot sa 2019 SEA Games scam, ibig sabihin ay posibleng hindi rin ligtas si Sen. Alan Cayetano kung mauuwi ito sa pagsasampa ng kaso. Abangan!
XXX
COMELEC CHAIRMAN GARCIA, TAPANG-TAPANGAN SA MGA BSKE CANDIDATES, PERO TIKLOP SA MGA KANDIDATO SA NATIONAL AT LOCAL ELECTIONS – Nagbabala si Comelec Chairman George Garcia na kapag may nakita siyang kahit isang larawan ng kandidato sa November 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na namimigay ng ayuda sa mga botante, agad niya itong ididiskuwalipika.
Ganyan si Chairman Garcia—matapang sa mga kandidato sa BSKE, pero tiklop naman umano sa mga kandidato sa national at local elections. Marami umanong lumabag sa election rules noong 2025 elections, pero "nganga" lang ang Comelec noon. Boom!
XXX
HUHUBARAN NG MASKARA NI OMBUDSMAN REMULLA SA PAMAMAGITAN NG LIFESTYLE CHECK ANG MGA 'BUWAYA' SA CUSTOMS – Matapos dedmahin ni Commissioner Ariel Nepomuceno ang kahilingan ng Office of the Ombudsman na isumite ang pangalan ng mga "buwaya" sa Bureau of Customs, nagpasya si Ombudsman Boying Remulla na isailalim sa lifestyle check ang lahat ng Customs officials.
Ibig sabihin, posibleng mabunyag na ang mga tiwaling opisyal sa Customs. Abangan!
XXX
DAPAT HINDI VLOGGER AT HINDI PASIKAT SA KALSADA ANG ITALAGA NI MMDA CHAIRMAN ARTEZ NA MMDA-SOG CHIEF – Tama ang naging aksyon ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes nang suspendihin si vlogger at MMDA officer Gabriel Go bilang head ng MMDA-Special Operations Group (SOG). Hindi katanggap-tanggap sa publiko ang asal nitong siga-siga sa kalsada at pamamahiya sa mga nahuhuli, gaya ng ginawa niya sa isang guro na nahuling hindi nakasuot ng helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Makikita sa video na hindi naman pumalag ang guro sa pagkakahuli at nakiusap lamang na huwag nang i-post sa social media ang insidente. Sa halip na pagbigyan, sinagot pa siya ni Gabriel Go na naka-blur naman daw ang kanyang mukha.
Ngayong sibak na si Gabriel Go, ang dapat ipalit sa kanya ay isang MMDA official na hindi vlogger at hindi pasikat sa kalsada. Period!





Comments