top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Kilos Kabataan, kontra-political dynasty

Writer: BULGAR
BULGAR
33 minutes ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 20, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kailangang magtulungan ang bawat Pilipino upang wakasan ang pamamayani ng mga political dynasty at maisulong ang pamahalaang tunay na naglilingkod sa taumbayan. Hindi sapat na batid ng mga mamamayan ang mga problema sa pulitika kung mananatili lamang silang tagamasid. Mahalagang kumilos, makilahok at gamitin ang karapatang bumoto upang magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa pamumuno ng bansa.


Mahalagang hakbang ang panawagan ng mga grupo ng Simbahan at kabataan sa Oriental Mindoro na himukin ang mas maraming kabataan na makibahagi sa mga reporma sa pulitika, kabilang ang pagsisikap na wakasan ang political dynasty. 


Sa halip na mawalan ng pag-asa sa gitna ng paulit-ulit na usapin ng korupsiyon, hinihikayat silang maging bahagi ng solusyon para sa ikabubuti ng nakararami.


Bahagi ito ng kampanyang “Dapat Isa Lang,” isang people’s initiative na naglalayong palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa political dynasty at hikayatin ang mga Pilipino na gawing konkretong pagkilos ang kanilang mga hinaing sa pamamahala.


Bilang bahagi ng kampanya, magsasagawa ang Diocese of Calapan Youth Commission at Diocesan Social Action Center ng forum na pinamagatang “Paanyaya sa Lahat: Forum on Political Dynasty” sa Oktubre 20, ala-1 ng hapon, sa Basic Education Gymnasium ng Divine Word College of Calapan, Barangay Pachoca, Calapan City.


Layunin ng pagtitipon na tulungan ang kabataan na maging mas mapanuri sa pagpili ng mga kandidato at makilahok sa sama-samang pagkilos laban sa political dynasty at iba pang suliranin sa pamamahala. Binibigyang-diin din ng kampanya ang katotohanan, mapayapang pag-uusap at pagkakaisa bilang mahahalagang sangkap sa pagsusulong ng pagbabago.


Hindi maikakaila ang malaking papel ng kabataan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa. Sila ang susunod na henerasyon ng mga botante, lider at tagapagtaguyod ng mabuting pamamahala. Kung masasanay silang magsuri ng plataporma, kilalanin ang kakayahan ng mga kandidato at manindigan para sa kapakanan ng publiko, mas magkakaroon ng pagkakataong mapili ang mga lider na inuuna ang serbisyo kaysa pansariling interes.


Gayunman, hindi dapat sa forum lamang nagtatapos ang ganitong panawagan. Kailangang sundan ito ng tuluy-tuloy na edukasyong pampulitika, pakikilahok sa mga usaping pampamayanan at matalinong pagboto.


Ang pagbabago ay hindi lamang nakasalalay sa mga nasa kapangyarihan. Nagsisimula rin ito sa mamamayang handang kumilos at manindigan. Kapag nagkaisa ang kabataan at buong komunidad, mas lumalakas ang pag-asang magkaroon ng pamahalaang tapat, patas at tunay na kumakatawan sa interes ng taumbayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page