ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 17, 2025

SA PAGKALIGAW NG LANDAS, SUNDIN KAYA NI PBBM ANG PANGHIHIKAYAT SA KANYA NG ATE IMEE NA MAGMUNI-MUNI NGAYONG SEMANA SANTA? -- Ngayong Semana Santa ay hinikayat ni Sen. Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magmuni-muni dahil hindi na raw tama ang tinatahak na landas ng administrasyon nito.
Ang tanong: Sundin naman kaya ni PBBM ang payo sa kanya ng kanyang Ate Imee? Abangan!
XXX
NILAMPASO NI VP SARA SA SURVEY SINA PBBM, SP ESCUDERO AT SPEAKER ROMUALDEZ -- Sa latest survey na inilabas ng Pulse Asia patungkol sa apat na matataas na opisyal ng bansa ay nilampaso ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa rating sina PBBM, Senate President Chiz Escudero at Speaker Martin Romualdez.
Nakakuha si VP Sara ng mataas na marka sa performance rating na 59%; pumangalawa si SP Escudero sa rating na 39%; pumangatlo lang si PBBM sa rating na 29% at kulelat si Speaker Romualdez sa rating na 14%.
Patunay ang survey na iyan na sa kabila ng samu’t saring mga alegasyon laban kay VP Sara ay marami pa rin sa mamamayan ang nagmamahal at nagtitiwala sa kanya, period!
XXX
SA LAKI NG LAMANG NI VP SARA KAY PBBM SA SURVEY, KAPAG NANGAMPANYA NANG TODO, TIYAK MANANALO LAHAT NG KANDIDATO NIYA SA PAGKA-SENADOR -- Sina PBBM at VP Sara ay kapwa may mga sinusuportahang kandidato sa pagka-senador.
Sa laki ng lamang ni VP Sara kay PBBM sa survey ng Pulse Asia, na kung mangangampanya nang husto ang bise presidente para sa mga kandidato niya sa pagka-senador ay malaki talaga ang posibilidad na manalo ang lahat ng kanyang kandidato, at sa kabilang banda, malaki rin ang posibilidad na walang mananalo sa mga kandidato ni PBBM, boom!
XXX
APAT NA ARAW NA STOP MUNA KURAKUTAN, PAGKATAPOS NG SEMANA SANTA BALIK NA NAMAN SA PANGUNGURAKOT ANG MGA KURAKOT -- Ngayon ay Huwebes Santo na, at bukas ay Biyernes Santo at saka sunod ang Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay kaya’t asahang sa apat na araw na iyan ay stop muna ang korupsiyon sa gobyerno.
Ang dahilan kaya stop muna ang mga kurakot sa pangungurakot ay dahil walang transaksyon sa gobyerno ng Huwebes Santo at Biyernes Santo at wala rin pasok sa Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.
After ng Semana Santa, o pagsapit ng Lunes o April 21 ay dahil may pasok na, may transaksyon na sa gobyerno ay asahan nang balik na naman sa kurakutan ang mga tiwali sa pamahalaan, tsk!