top of page

Mga vlogger na walang respeto sa batas-trapiko, dapat managot

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 24, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat lang naman na maging leksyon sa lahat ng motorista at content creators ang sinapit ng isang vlogger, dahil sa panahon ngayon, isang maling gawi sa manibela ay puwedeng magbunga ng kapahamakan sa kalsada at matinding parusa sa batas. 


Hindi biro ang naging aksyon ng Land Transportation Office (LTO) matapos bawiin ang kanyang driver’s license, patawan ng sunud-sunod na multa, at pagbawalang makapag-renew ng lisensya sa loob ng dalawang taon. Patunay ito na seryoso ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas-trapiko laban sa mga pasaway na motorista.


Nag-ugat ang kaso sa viral video sa social media kung saan makikitang nagmamaneho ang nasabing volgger habang abala sa pagre-rekord. Sa halip na tutok sa kalsada, nahati ang kanyang atensyon, bagay na malinaw na banta sa kaligtasan ng publiko.


Dahil dito, naglabas ang LTO ng show cause order noong Pebrero upang pagpaliwanagin siya sa nasabing insidente. Ngunit ayon sa ahensya, hindi siya dumalo sa itinakdang pagdinig at wala ring naipadalang opisyal na sagot, kaya nagpasya silang resolbahin ang kaso base sa mga ebidensya.


Hindi doon nagtapos ang usapin. Ayon pa sa LTO, sa kabila ng direktibang nagbabawal sa kanyang magmaneho habang iniimbestigahan ang kaso, patuloy pa rin umano siyang bumiyahe gamit ang sasakyan. Dahil dito, nadagdagan pa ang kanyang mga paglabag kabilang ang pagmamaneho nang walang valid driver’s license. 


Sa supplemental order na inilabas noong Abril 20, nakasaad ang reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, driving without a valid license, at pagiging hindi karapat-dapat magmaneho. Bukod dito, ipina-impound din ang kanyang sasakyan hanggang sa mabayaran ang multa at makumpleto ang mga rekisito.


Sa panig naman ng vlogger, iginiit niya sa isang Facebook post na hindi niya natanggap ang show cause order at wala umanong opisyal na dokumentong naibigay sa kanya. Ngunit sa ganitong sitwasyon, malinaw na hindi sapat ang depensa sa social media kung usapin na ng batas at pananagutan ang pinag-uusapan.


Mahalagang mensahe ito na walang sinuman ang dapat mangibabaw sa batas, sikat man online o ordinaryong mamamayan. Ang kalsada ay hindi studio, at ang manibela ay hindi laruan para sa content. Bawat segundo ng pagkalingat ay maaaring ikapahamak ng ibang inosenteng motorista, komyuter, o pedestrian.


Tama lamang na managot ang sinumang naglalagay sa publiko sa alanganin. Kung may aral man dito, ito ay simple ngunit mabigat: ang pagiging viral ay panandalian lang, pero ang disiplina sa pagmamaneho ay responsibilidad na panghabambuhay.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page