Mga sangkot sa bilyun-bilyong expired na gamot at bakuna, dapat managot
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 2, 2026

Nakapanghihinayang isipin na habang maraming Pilipino ang hirap makabili ng gamot at umaasa lamang sa libreng serbisyo ng gobyerno, bilyun-bilyong pisong halaga naman ng mga gamot at bakuna ang nauuwi sa pagkasayang dahil sa pag-expire, sobrang imbentaryo, at hindi maayos na pamamahala ng mga stock sa Department of Health (DOH).
Batay sa mga ulat ng Commission on Audit (COA), hindi ito iisang beses na pagkakamali kundi tila paulit-ulit na problema sa loob ng maraming taon. Mula pa noong mga nakaraang administrasyon hanggang sa mga sumunod na taon, umaabot sa bilyun-bilyong piso ang halaga ng mga gamot at bakunang hindi napakinabangan. Ang mas masakit, ang pondong ginamit dito ay mula sa buwis ng taumbayan.
Kaya makatwiran lamang ang panawagan na magkaroon ng masusing imbestigasyon sa Senado. Hindi sapat na sabihin na may kakulangan sa sistema o may pagkukulang sa forecasting at distribution. Kailangang matukoy kung sino ang mga responsable at kung may kapabayaan, maling pamamahala, o posibleng anomalya sa proseso ng pagbili, pag-iimbak, at pamamahagi ng mga gamot.
Hindi katanggap-tanggap na may mga ospital at health center na nagsasabing kulang ang kanilang suplay ng gamot habang may mga bodega namang puno ng mga produktong hindi nagagamit hanggang sa tuluyang mag-expire. Ipinakikita lamang nito ang malaking puwang sa koordinasyon at pagpaplano ng mga kinauukulang opisyal.
Ang usapin dito ay hindi lamang tungkol sa pera. Mas mahalaga ang epekto nito sa kalusugan ng mamamayan. Bawat kahon ng gamot na nasayang ay maaaring katumbas ng pasyenteng hindi nabigyan ng lunas, batang hindi nabakunahan, o pamilyang napilitang gumastos nang malaki para sa kanilang pagpapagamot.
Dapat magsilbing wake-up call ang mga findings ng COA upang agarang ayusin ang procurement, inventory, at distribution systems ng DOH. Higit sa lahat, dapat managot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya. Ang pondong para sa kalusugan ay hindi dapat nauuwi sa basura, lalo na sa panahong napakarami pa ring Pilipinong nangangailangan ng serbisyong medikal.





Comments