top of page
TALKIES - KARA- OKAY LANG NA ‘DI MAGALING MAG-ENGLISH SI MARIAN_IG _marianrivera & _karada

Mga pulis, kailangan din ng suporta at pagkalinga

Writer: BULGAR
BULGAR
16 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 17, 2026



Boses column ni Leonida Sison



Sa likod ng bawat pulis na naglilingkod at nagtatanggol sa mamamayan ay isang taong napapagod, nagkakasakit at nangangailangan din ng pag-aaruga. Madalas na nakatuon ang pansin sa kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan, pero hindi dapat kalimutan na kapag sila naman ang nangangailangan ng tulong, nararapat lamang na may institusyong handang umalalay sa kanila.


Kaugnay nito, nagsagawa ang Philippine National Police (PNP) ng maagang pamamahagi ng pamasko para sa mga pulis na nagpapagaling sa PNP General Hospital sa Quezon City noong Nobyembre 12. Namahagi ng mga regalo sa mga pasyenteng nasa mga silid ng ospital at Healing Garden bilang pagbibigay-saya at pampalakas ng loob sa mga kawani na maaaring sa ospital gugugulin ang panahon ng Kapaskuhan dahil sa karamdaman o pinsalang natamo.


Kasama sa aktibidad ang Public Safety Mutual Benefit Fund Inc. (PSMBFI), sa pangunguna ng mga opisyal nito, gayundin ang mga kinatawan ng PNP Health Service at Officers’ Ladies Club Foundation. Ipinahayag din ng pamunuan ng kapulisan ang patuloy na suporta sa mga tauhang nagpapagaling at tiniyak na hindi malilimutan ang kanilang mga sakripisyo sa serbisyo.


Maganda ang ganitong hakbang dahil ipinapakita nito na hindi lamang dapat kilalanin ang mga pulis kapag sila ay nasa lansangan, humahabol sa mga kriminal o nagpapanatili ng seguridad. Mahalaga ring matiyak ang kanilang kalagayan kapag sila naman ang nangangailangan ng atensiyon, gamutan at tulong upang makabalik sa normal na pamumuhay.


Hindi biro ang tungkulin ng mga pulis. May mga pagkakataong nalalagay sa panganib ang kanilang buhay, napapalayo sila sa pamilya at napipilitang isakripisyo ang sariling kapakanan para sa kaligtasan ng iba. Kaya nararapat lamang na magkaroon sila ng maayos na serbisyong pangkalusugan, sapat na suporta at tuluy-tuloy na pag-alalay, hindi lamang tuwing Kapaskuhan kundi sa buong taon.


May kaugnayan din ito sa kapakanan ng taumbayan. Kapag maayos ang kalusugan at kalagayan ng mga pulis, mas nagiging handa silang gampanan ang kanilang tungkulin at magbigay ng serbisyong maaasahan ng publiko. Ang pangangalaga sa mga tagapagpatupad ng batas ay bahagi rin ng pagpapatibay sa serbisyong pangkaligtasan na dapat matanggap ng bawat komunidad.


Gayunman, hindi dapat magtapos sa pamamahagi ng regalo ang malasakit. Kailangang tiyakin na may sapat na pasilidad, gamot, kagamitan at tulong-pinansiyal para sa mga pulis na nagkakasakit o nasusugatan sa serbisyo. Dapat ding mabigyan ng suporta ang kanilang mga pamilya na kasama sa pagharap sa hirap ng pagpapagaling.


Ang diwa ng Pasko ay hindi nasusukat sa dami ng regalong naipamamahagi kundi sa malasakit na patuloy na ipinapakita. Ang mga taong nag-aalay ng kanilang lakas at buhay para sa kaligtasan ng iba ay karapat-dapat ding alagaan. Hindi dapat hintaying sumapit ang Kapaskuhan bago sila alalahanin. Ang pagkalinga sa mga lingkod-bayan ay isang pananagutang dapat isabuhay araw-araw.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page