‘Di raw sukatan ng talino… KARA: OKAY LANG NA ‘DI MAGALING MAG-ENGLISH SI MARIAN

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 17, 2026

Photo IG _marianrivera & _karadavid
“Hindi sukatan ng katalinuhan ng isang tao ang pagsasalita ng Ingles,” pahayag ng broadcast journalist na si Kara David sa programang Pinas Sarap ng GMA nang maging guest dito ang aktres na si Marian Rivera.
Sa panayam, napag-usapan ang mga bashers na pumupuna sa paraan ng pagsasalita ni Marian, lalo na pagdating sa English grammar.
Tanong ni Kara, “‘Pag bina-bash ka nila na mali raw ‘yung grammar mo, ganyan?”
“Okay lang. Kaya nga ‘di ako nag-i-English, eh. Kaya siguro mas gusto ko ang matatalinghagang salitang Pilipino kasi nakasanayan ko ‘yan. Minsan nga, natatawa ako sa mga comments. Example, may kausap akong nag-i-English, sasabihin nila, ‘Naiintindihan kaya ni Marian?’ Ah, oo naman. College graduate naman ako, naiintindihan ko, pero ‘di lang ako komportableng magsalita ng English dahil ‘di ko nakasanayan,” nakangiting sagot ni Marian.
“Sabi ko nga, alangan namang nandu’n ako sa lola ko, nasa Cavite kami, sa probinsya kasi ‘yung likod namin noon ay bukiran. Alangan namang sabihin ng lola ko, ‘Let’s go, Marian, let’s go to the carabao.’ Alangan namang mag-English kami nang ganu’n, ‘di ba? Komportable talaga ako sa pagsasalita ng Tagalog,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Kara ang aktres at iginiit na hindi dapat gawing sukatan ng talino ang kahusayan sa pagsasalita ng English.
“There’s nothing wrong with that. Walang mali ‘pag ‘di ka magaling sa English grammar.
“‘Di sukatan ng katalinuhan ng isang tao ang pagsasalita ng Ingles. Lalo na kung ikaw ay Pilipino,” komento ni Kara.
Korek ka r’yan, Kara. At in fairness kay beautiful Marian, nagpapakatotoo lang siya nang sabihin niyang mas komportable siyang magsalita ng Tagalog.
At ayon nga sa kasabihan ni Dr. Jose Rizal, “Ang ‘di magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”
Pak, ganern!
Nag-iisang kaibigan daw nu’ng COVID days… SEN. ROBIN, PROUD NA MATALINO NA, MANDIRIGMA PA ANG ANAK NA SI ISABELLA
NAGBAHAGI ng birthday message ang aktor-pulitiko na si Sen. Robin Padilla para sa ika-10 kaarawan ng anak nila ng aktres na si Mariel Rodriguez na si Maria Isabella Padilla, na tinawag pa niyang matalik na kaibigan.
Ani Sen. Robin, “Eid Milad (Happy Birthday), Maria Isabella de Padilla!
“Alhamdulillah (Praise be to Allah), sampung taon ka na! Ang bilis ng panahon, ang laki mo na.
Noong panahon ng COVID lockdown, ikaw ang nagpasaya sa bawat araw ko noon.
“Nag-iisa kong kaibigan nang tumigil ang mundo. May patpat, espada, at pana para hasain ang galing mo!
“Tulad ni Mulan, matapang at buo ang loob, binabantayan ang bahay natin sa loob.
“Ngayon, double digits na! Humanda ka, mundo. Narito na ang matalino at mandirigmang anak ko. Pagpalain nawa ni Allah ang iyong landas bilang Mulan, at tulungan kang magtagumpay... sa pagliligpit ng iyong higaan! Maligayang ika-10 kaarawan, matalik kong kaibigan!”
Happy 10th birthday, Isabella!
MAGKAHALONG tunggalian at pagpapakilig ang hatid ng tambalan nina Pinoy Big Brother Celebrity Collab 2.0 housemate Rave Victoria at bagong heartthrob na si Lance Jeremy sa kauna-unahang BL (boys’ love) vertical serye ng iWant na Coach Me Maybe, na mapapanood simula Nobyembre 20 (Biyernes).
Iikot ang vertical serye sa tema ng queer love na magsisimula sa tunggalian ng Judo champion na si Alpha (Lance) at academic achiever na si Romeo (Rave).
Naisipan naman ni Alpha na kuntsabahin ang katunggaling si Romeo para pagselosin ang kanyang ex. Kapalit nito, may tutor na si Alpha, may Judo coach pa si Romeo!
Habang sila ay nagpapanggap, tila mauuwi sa totohanan ang relasyon nilang dalawa. Pero masusubok ang kanilang nararamdaman nang sila ay magtatapat sa national qualifier ng isang Judo tournament. Mananaig kaya ang pag-ibig o paiiralin nila ang kanilang pride?
Kasama rin nina Rave at Lance sina Christian Vasquez, Valerie Concepcion, Kanata Tapia, Rhianna Santiago, Iñigo Jose, Josh Worsley, Ian Lubrica, at Jury Fajardo.
Ito ay sa direksiyon ni Theodore Boborol na direktor din ng hit reality-queer dating series na Sparks Camp, na ngayo’y ipinapalabas ang ikaapat nitong season sa iWant.
‘Yun lang, and I thank you.





Comments