top of page
TALKIES - KARA- OKAY LANG NA ‘DI MAGALING MAG-ENGLISH SI MARIAN_IG _marianrivera & _karada

Life insurance claim, ayaw ibigay dahil duda sa pirma sa aplikasyon

Writer: BULGAR
BULGAR
14 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 17, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang tiyahin ko po ay kumuha ng life insurance policy noong 2023, at ako ang itinalagang benepisyaryo. Namatay siya ngayong 2026, halos tatlong taon matapos kunin ang polisiya. Nang mag-claim ako, tinanggihan ito ng insurance company at sinabing may nadiskubre umano silang katiwalian sa aplikasyon, partikular na pagdududa kung ang tiyahin ko mismo ang lumagda rito. Puwede po ba silang tumanggi na magbayad kahit napakatagal na ng polisiya ng tiyahin ko bago siya namatay? — Amaralyn





Dear Amaralyn, 


Para sa iyong kaalaman, sinagot na ng Korte Suprema ang halos katulad na sitwasyon sa kaso ng Manila Bankers Life Insurance Corporation vs. Cresencia P. Aban (G.R. Blg. 175666, Hulyo 29, 2013), sa panulat ni Honorable Associate Justice Mariano C. del Castillo.


Sa nasabing kaso, kumuha ang tiyahin ng nagrereklamo ng life insurance policy mula sa kinasuhang insurance company at itinalaga niyang benepisyaryo ang kanyang pamangkin. Nang mamatay ang kanyang tiyahin, nag-claim ang nagrereklamo, ngunit iginiit ng insurance company na hindi umano personal na nag-apply ang kumuha ng polisiya, na hindi umano niya kayang bayaran ang mga premium, at hindi tunay ang kanyang lagda sa aplikasyon, kaya't tumanggi silang bayaran ang claim at naghain pa ng kaso para sa rescission ng polisiya. Tinanggihan ito ng Korte Suprema, at inilapat nito ang Seksyon 48 ng Insurance Code:


"xxx After a policy of life insurance made payable on the death of the insured shall have been in force during the lifetime of the insured for a period of two years from the date of its issue or of its last reinstatement, the insurer cannot prove that the policy is void ab initio or is rescindable by reason of the fraudulent concealment or misrepresentation of the insured or his agent."


Ipinaliwanag ng Korte Suprema ang layunin ng probisyong ito:


"The ultimate aim of Section 48 of the Insurance Code is to compel insurers to solicit business from or provide insurance coverage only to legitimate and bona fide clients, by requiring them to thoroughly investigate those they insure within two years from effectivity of the policy and while the insured is still alive. If they do not, they will be obligated to honor claims on the policies they issue, regardless of fraud, concealment, or misrepresentation."


Sa madaling salita, inaatasan ng batas ang mga insurance company na masusing siyasatin ang aplikasyon at kalagayan ng kanilang mga insured sa loob ng unang dalawang taon mula nang magkabisa ang polisiya, habang nabubuhay pa ang mga ito at maaari pang beripikahin ang mga impormasyong kanilang ibinigay. Kung hindi ito gagawin ng kumpanya sa loob ng nasabing panahon,  hindi na nito puwedeng gamitin ang diumano'y katiwalian o maling representasyon bilang dahilan upang tumanggi sa pagbabayad, kahit pa totoo ito.


Samakatuwid, dahil ang polisiya ng iyong tiyahin ay nasa bisa na nang mahigit dalawang taon bago siya namatay, maaaring hindi na magamit ng insurance company ang diumano'y katiwalian o maling representasyon sa aplikasyon bilang dahilan upang tumanggi sa pagbabayad ng iyong claim, kahit anuman ang kanilang natuklasan matapos ang pagkamatay ng iyong tiyahin.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page