top of page
Bea Alonzo at Dominic Roque - fb

Mga Pinoy, ‘wag magpakampante sa panganib na dala ng hantavirus

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 52 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 31, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nakahinga man nang maluwag ang publiko sa balitang ligtas ang 38 Pilipinong crew ng MV Hondius mula sa hantavirus, hindi pa rin maikakaila na isa itong paalala kung gaano kabilis kumalat ang panganib sa panahong bukas ang paglalakbay at trabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Ayon sa Department of Health (DOH), maayos ang kalagayan ng 38 Pilipinong kasalukuyang naka-quarantine sa Netherlands matapos ma-expose sa hantavirus outbreak na naitala sa expedition cruise ship na MV Hondius. Kinumpirma ni Health Undersecretary Albert Domingo na wala ni isa sa mga Pilipino ang nahawahan ng virus at inaasahang matatapos ang kanilang anim na linggong quarantine sa kalagitnaan ng Hunyo.


Ang mahalagang update na ito ay iniulat umano kay Health Secretary Ted Herbosa ng Netherlands Health Minister na si Sophie Hermans sa sidelines ng World Health Assembly sa Geneva, Switzerland. Sa kabila ng nakakabahalang sitwasyon, ipinunto ng DOH na naging mahalaga ang koordinasyon ng Pilipinas sa World Health Organization (WHO), Netherlands, at iba pang bansa upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga Pilipinong naapektuhan ng insidente.


Sa kasalukuyan, ilan sa mga crew member ang posibleng magpatuloy sa kanilang trabaho matapos ang quarantine, habang ang iba naman ay maaaring humiling ng repatriation o pagbabalik sa bansa. Dumating ang grupo sa Netherlands noong kalagitnaan ng Mayo bilang bahagi ng mandatory quarantine protocol.


Samantala, sinabi ng WHO na may nadagdag pang tatlong kumpirmadong kaso ng hantavirus sa Canada, Netherlands, at Spain kaugnay ng outbreak sa barko. Umabot na sa 13 ang kabuuang kaso, kabilang ang tatlong nasawi. Ang virus ay mula sa rodents o daga at maaaring maipasa sa tao. Ang mas ikinabahala ng health experts ay ang natukoy na strain na Andes hantavirus, dahil may kakayahan itong maipasa mula tao sa tao—isang katangiang hindi pangkaraniwan sa karamihan ng hantavirus.


Bagama’t tiniyak ng WHO na mababa pa sa ngayon ang panganib nito sa pandaigdigang populasyon, nananatiling mahalaga ang pagbabantay at maagap na aksyon ng mga bansa. Para sa ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga may kapamilyang OFW o seafarer, malinaw na hindi biro ang mga banta sa kalusugan sa ibang bansa dahil maaari itong makaapekto hindi lang sa isang manggagawa kundi sa buong pamilya na umaasa sa kanila.


Magandang balita ang pagiging ligtas ng 38 Pilipino, pero hindi ito dahilan upang maging kampante. Mas mahalagang maging handa, mapanuri, at suportahan ang mas mahigpit na health monitoring upang masigurong hindi magiging mas malaking krisis ang isang sitwasyong puwede namang maagapan ng mas maaga.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page